NUEVA ECIJA- ISANG drug suspek ang namatay sa engkwentro matapos manlaban sa mga awtoridad sa isinasagawang anti-illegal drug operation sa Barangay Valle Cruz, Cabanatuan City sa lalawigang ito.
Sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigidier General Cesar Pasiwen, kinilala ang napatay na suspek na si Arnold Mateo Mancenido, nasa wastong gulang at residente sa naturang lugar.
Nabatid na binunot ng suspek ang dalang baril nang maramdamang pulis ang katransaksiyon na kung saan maagap na nakaganti ng putok ang mga pulis.
Nakuha sa crime scene ang isang kalibre 45 na baril mga balang gamit ng suspek, 4 pakete ng shabu na may timbang na 21 gramo na ang street value na hindi bababa sa P140,000 at marked money na ginamit sa buy bust.
Samantala, dalawa pang drug suspek ang nadakip ng mga awtoridad sa drug buy bust operation sa Purok 5, Barangay Kalikid Sur, Cabanatuan City.
Nakilala ang mga suspek na sina Gilber Sayde, 42-anyos at Jocelyn Castillo, 50-anyos, kapwa residente sa naturang lugar.
Nakuha sa mga suspek ang pitong pakete ng shabu na may timbang na 20 gramo at street value ng P136,000; marked money na ginamit sa buybust at isang 12-gauge Shotgun at walong bala nito.
Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa mas pinaigting na Dangerous Drug Law at Illegal Possession of Firearms and Ammunitions. ROEL TARAYAO