(1 patay, 2 sugatan) PAGSABOG NG BARKO SA PIER INIIMBESTIGAHAN NG PPA

NAGSAGAWA ng kanilang sariling imbestigasyon ang Philippine Ports Authority (PPA) sa naganap na pagsabog sa loob ng isang barko sa Pier 18, North Harbor, Tondo, Maynila kamakalawa.

Ayon sa ibinahaging impormasyon ng  PPA, nangyari ang pagsabog mula sa MV EverWing Star 2 nitong Lunes, Agosto 26.

Sa inisyal na ulat ng Radio Base Operator ng nasabing pantalan, dakong alas-10:50 ng umaga nang makarinig ng pagsabog sa lugar.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa kinaroroonan ng MV Everwing Star 2 skippered by Captain Olympio Aldovino.

Nabatid na isang  apprentice seaman ang nasawi habang dalawa namang personnel ang sugatan matapos magtamo ng third degree burns bunsod ng pagsabog.

Dinala ang mga sugatang biktima sa Jose Reyes Hospital.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ni FO2 Ronnie S. Augustin, Arson Investigator ng BFP Manila Fire District, nag-ugat umano ang pagsabog sa fumes na posibleng galing sa gasolina at pintura.

Subalit, kasaluku­yang pa itong bina-validate at inaalam din ng awtoridad kung nagmula rin ang pagsabog sa LPG.

Ayon pa sa ulat, posible umano na nagsimula ang pagsiklab ng apoy mula sa hyd­raulic switch.

Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad mula sa Port Police ng Philippine Port Autho­rity, Philippine National Police, Phi­lippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection ang nasabing insidente.

VERLIN RUIZ