1 PATAY, 3 KRITIKAL SA PAMAMARIL SA PERYAHAN

CAVITE- PATAY ang isang carnival caretaker habqng tatlo ang kritikal matapos mamaril ang isang lalaki sa loob ng isang peryahan sa Barangay Anabu 2, Imus nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Capt. Michelle Bastawang, Cavite police spokesperson, kinilala ang biktima na si Peter Jerico, 25- anyos, residente ng Barangay San Juan 1, General Trias, Cavite.

Sugatan naman ang mga kawani na nakilala sa mga pangalan ” Cesar”, 33-anyos ng Barangay Lecheria, Calamba City; “Joselito”, 31- anyos at ” Maryjane”, 27-anyos na pawang mga residente ng Barangay Gugo Proper, Bataan at mga stay-in ng Mini- Carnival.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-12.30 Linggo ng madaling araw habang nag-aayos ng mga kagamitan ang tatlong biktima, bigla umanong pumasok ang suspek sa compound at pinagbabaril si Jerico na nadamay pa ang tatlo nitong kasama.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang dala nitong baril.

Agad namang naisugod sa ospital ang mga biktima subalit dead on arrival si Jerico samantalang nasa stable condition sina Maryjane , Joselito at Cesar.

Lumalabas sa pagsisiyasat na tanging si Jerico ang target ng pamamaril ng gunman na base sa kuha ng CCTV sa lugar ay nakasuot ng gray jacket at sakay ng motorsiklo.

Nagsasagawa ng manhunt ang Cavite PNP para sa agarang pagdakip sa suspek. ARMAN CAMBE