1 PATAY, 3 SUGATAN SA PAGKAKABIT NG SOLAR PANEL

QUEZON- PATAY ang isang 27-anyos na lalaki samantalang grabeng nasugatan ang tatlo nitong kasamahan matapos makuryente habang nagkakabit ng solar panel system sa poste sa Poblacion, Tiaong sa lalawigang ito.

Nakilala ang nasawi na si Christian Caalaman, may- asawa na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Kasalukuyan naman naka-confine sa pagamutan sina Arnel at Ronel dela Cruz at isang Jomel Benuza, pawang mga residente ng Barangay Talisay, Tiaong.

Ayon sa pulisya, dakong alas-3 Biyernes ng hapon nang sinimulan ng mga biktima na mag- install ng panel para sa isang solar light na sa poste ng Meralco ikinakabit.

Base sa pagsisiyasat ng mga pulis at eksperto sa solar installing, hindi umano sinasadyang mahawakan ni Caalaman ang isang linya ng kuryente na may mataas na boltahe dahilan para sabay-sabay ang apat na makuryente at mahulog mula sa itaas ng poste.

Mabilis naman naisugod ng mga netizens ang apat sa Candelaria hospital subalit agad na binawian ng buhay si Caalaman sanhi sa tinamong sunog at sugat sa katawan. ARMAN CAMBE