(1 patay, 4 sugatan) MAGKAKAMAG-ANAK NAKURYENTE

ISABELA- ISA ang nasawi habang apat ang nasugatan matapos na makuryente ang magkakamag-anak sa Sinamar Norte, San Mateo sa lalawigang ito nang sumagi ang kanilang ipinapatayong poste sa live wire.

Kinilala ang nasawi ay si Orlando Manuel, 62-anyos habang nagtamo ng lapnos sa katawan ng kanyang anak na si Judith Manuel, 47-anyos, anak ni Judith na si Adrian Jude Manuel, kamag anak nila na sina Rodel Costales at Rolando Natividad.

Isinugod ang mga biktima sa Integrated Community Hospital sa bayan ng San Mateo upang malapatan ng paunang lunas bago inilipat sa ibang ospital.

Habang ang labi naman ni Orlando Manuel ay dinala sa punerarya.

Ayon sa kamag-anak ng mga biktima, may ipinapatayo poste ang mga ito na ipapalit sa nasirang poste ng kuryente nang sumabit sa live wire at sumagi ang poste sa basang semento na kinaroroonan naman ni Orlando na naging dahilan ng kanyang pagkakuryente.

Sa pagnanais ng apat na biktima na tulungan si Orlando ay nadamay din sila dahil basa ang semento.

Dahilan dito upang pansamantalang ipatigil ang daloy ng kuryente sa buong San Mateo ng ilang oras. IRENE GONZALES