1 PULIS, 3 PA TODAS SA ENGKUWENTRO SA SABUNGAN

BATANGAS- APAT katao ang namatay kabilang ang isang pulis nang makaengkuwentro ang grupo ng pinaghihinalaang magnanakaw sa Barangay Quilitisin, Calatagan sa lalawigan ito nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Joel Robles Herjas; Rolly Herjas at Gabriel Robles Bahia, pawang mga residente ng Barangay Biga ng naturang bayan.

Dead on arrival naman sa Metro Balayan Medical Center si Patrolman Gregorio S. Panganiban sanhi sa tinamong tama ng bala sa dibdib dahil sa nasabing sagupaan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng tanggapan ni BGen Antonio Yarra, Calabarzon PNP Director, isang concerned citizen ang nagtungo sa Calatagan PNP para isumbong ang kahina-hinalang kilos ng tatlong kalalakihan sa Calatagan Cockpit Arena na matatagpuan sa nabanggit na barangay.

Agad umanong nagbuo ng team ang Calatagan PNP at mabilis na nagtungo sa nasabing sabungan.

Subalit nang malapit na umano ang patrolcar ng mga pulis sa kinaroroonan ng mga suspek ay bigla umanong nagpaputok ang mga ito na ginantihan naman ng police operatives.

Nang matapos ang engkuwentro, nakitang nakahandusay ang tatlong suspek na pawang may mga hawak na baril kung saan nasawi rin si Panganiban.

Dalawang sibilyan naman ang tinaamaan ng ligaw na bala na nakilalang sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway na kapwa nasa stable condition na ang mga ito.

Sinabi naman ni General Yarra na huwag ng pilitin ng mga kriminal na gumawa ng masama sa nasasakupan ng Region 4A para hindi sapitin ng mga ito ang katulad na pangyayari dahil listo at handa ang buong pulisya sa CALABARZON na gawin tahimik ang buong Timog Katagalugan.

Ipinaabot naman ni Yarra ang kanyang pakikiramay sa pamilya ni Panganiban. ARMAN CAMBE