Negros Oriental- DALAWA katao ang patay kabilang ang isang pulis at jail officer habang malubhang nasugatan ang isang babae matapos na pagbabarilin ang mga biktima ng mga armadong lalaki sa Brgy. Tinago Bayawan City sa lalawigang ito.
Batay sa report ang mga biktima na binawian ng buhay ay nakilalang sina Pat. Rhulin Mar Abrasaldo, 28-anyos, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion 7 sa Sta. Catalina at Edwin Laag, 55-anyos, tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology sa nabanggit ding lugar.
Habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang biktimang si WinchitaJamin, 56-anyos na nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.
Sa pahayag ni Lt Col Kym Lopez, chief PCADU ng NOPPO, sinabi nito na habang nag-uusap sina Abrasado at Laag sa labas ng bahay ay bigla na lamang sumulpot ang dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo at walang tanong -tanong na pinaputukan ang dalawang biktima, habang si Jasmin ay nasa kabilang panig ng kalsada at nang mapansin ng isa sa mga suspek na may hawak itong armas ay agad na bumaba ang backrider at pinaputukan ito.
Samantalang nagpaabot naman ng taos pusong pakikiramay ang buong hanay ng Negros Oriental Police Provincial Office sa pamilya ng mga biktima sa nangyaring insidente ng pamamaril.
Pinaalalahanan naman ni Lopez ang mga uniformed personnel na doble ingat at unahin ang kaligtasan kahit na sa anumang operasyon o rerespondehan.
Patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng Bayawan City PNP upang matukoy kung ano ang motibo ng pamamaril. EVELYN GARCIA