NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang isang pulis habang sugatan ang dalawa pa sa engkuwentro sa pagitan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Calabugab, Barangay Minapasok sa Calatrava.
Nilinaw ni Negros Occidental Police Provincial Office (NOPPO) director Col. Leo Pamitan na ang insidente ay hindi isang ambus kundi sagupaan ng puwersa ng gobyerno at mga rebelde.
Kinilala ang nasawi na si Cpl. Jayme Nuñez at sugatan na sina Cpl. Dennis Nasis at Capt. Jesus Alba, Deputy Municipal Police Chief ng Calatrava Police Station.
Sinabi ni LtCol. Joem Malong, Deputy for Operations ng Nocppo, na ang mga tauhan ng Army’s 79th Infantry Brigade, 6th Battalion ng Regional Mobile Group, 6th Special Action Battalion, 1st Negros Occidental Police Mobile Force Company at Calatrava Police Station ay nakatakdang magsilbi ng warrant of arrest laban kina Darry Dayawan, Charity Amacan at iba pang miyembro ng NPA.
Nang makarating ang pulisya ng Calatrava, isang pagsabog na pinaniniwalaang mula sa isang improvised land mine, ang tumama sa kanilang patrol car bago sila pinaputukan ng isang grupo ng mga armadong lalaki.
Si Amacan ay sinasabing isang ranking officer ng binuwag na Northern Negros Front ng NPA.
Sinabi ni Malong na ang isang pulis na nasugatan ay dinala sa Central Bato District Hospital sa Sagay City habang ang isa naman ay inilipat sa isang ospital sa Bacolod City dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa katawan nito.
Naka-deploy na sa lugar ang isang unit ng NOCPPO Scene of Crime Operatives (SOCO) para magsagawa ng imbestigasyon. EVELYN GARCIA