NORTHERN SAMAR- KASALUKUYANG pinatutugis ng PNP Police Regional Office 8 ang grupo ng mga hinihinalang communist terrorist na responsable sa pananambang at pagpapasabog sa isang government project na ikinamatay ng isang pulis at ikinasugat ng limang iba pa sa nasabing lalawigan.
Sa ulat, nasawi sa pananambang ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Las Navas, Northern Samar kahapon ng madaling araw ang pulis na si Pat. Harvie Lovino na tinamaan ng sumabog na improvised explosive device (IED).
Ayon sa Police Regional Office 8, IEDs ang ginamit ng mga rebelde sa pananambang sa Barangay San Miguel bandang ala-1 ng madaling araw.
Bukod sa nasawing pulis, sugatan din ang dalawa pa nitong kasamang pulis na sina Pat. Rico Borja, Pat. Leandro Luciano Bulosan at tatlong sundalo na pawang bahagi ng community support program team ng 1st Police Mobile Force Company sa Catubig, Northern Samar na kinilala sina Army Corporal Arvin Papong, Private First Class Whilydell Jic Rodona at Private First Class Wilmer del Monte na mga miyembro ng 20th Infantry Battalion.
Bahagi ng community support program team ng Philippine Army 20th Infantry Battalion ang sugatang mga sundalo.
Agad dinala sa pagamutan ang mga nasugatan habang patuloy ang ginagawang hot pursuit operations ng mga awtoridad. VERLIN RUIZ