ISUSULONG ni Senadora Imee Marcos na gawing isang sentimo ang kada text message sa halip na piso.
Nakapaloob sa Senate Bill No. 6 na inihain ng senadora na magpatupad ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng istriktong price ceiling at tapyasan ang presyo ng kada text mula piso ay gawing isang sentimo.
Paliwanag ni Marcos, tama na gawing balanse ang interes ng mga telco provider ngunit dapat na nakasusunod sa global trend para sa mas mabilis subalit murang serbisyo publiko.
Bagaman inaasahang sa pagpasok ng ikatlong telecommunications provider sa bansa ay mag-aalok ng mas murang serbisyo, karapatan pa rin ng publiko na magkaroon ng mas mababang rate para sa text messages.
Ayon kay Marcos, hindi naman malulugi ang tatlong telco providers kahit pa ipatupad ito sa bansa dahil malaki pa rin ang kanilang kikitain.
Gayundin, dismayado si Marcos na bagaman bilyon ang kinikita ng mga telco provider sa bansa mula sa text messaging ay nananatili namang mabagal ang nagagamit na internet speed ng mga Pinoy kumpara sa ibang mga bansa sa Southeast Asia. VICKY CERVALES
Comments are closed.