1 SUGATAN, 2 SUNDALO TIMBOG SA INDISCRIMINATE FIRING

VISAYAS – DALAWANG sundalo ang itinuturo ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa kaso ng ng indiscriminate firing bukod pa sa dalawang sibilyan.

Sa datos ng PNP, may apat na insidente ng indiscriminate firing nitong Kapaskuhan sa Northern Samar, Abra at Leyte.

Dalawa sa mga sangkot sa iligal na pagpapaputok ay miyembro ng AFP at 2 naman ang sibilyan na pawang nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis.

Nahaharap ang mga ito sa kasong illegal discharge of firearms at alarm and scandal.

Samantala, isang 13- anyos na binatilyo ang tinamaan ng ligaw na bala sa Maramag, Bukidnon noong bisperas ng Pasko habang nanonood sa party ng kapitbahay.

Nauna nang nagbabala si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin laban sa indiscriminate firing.

Iginiit nito na kung mahuli sa indiscriminate firing ang sibilyang may baril ay maaaring magresulta ito ng habambuhay na pagkakansela ng lisensiya para magmay-ari ng baril.

Binalaan din ni Azurin ang mga pulis na maging responsableng gun owner at iwasan ang gun firing sa pagsalubong ng Bagong Taon, lalo’t hindi ulit lalagyan ng tape ang baril ng mga ito. VERLIN RUIZ