AKLAN- ISANG pasahero ang patay habang anim pang sakay ng passenger van ang malubhang nasugatan matapos tumaob ng ilang ulit ang kanilang sinasakyan sa Barangay Aquino, Ibajay nitong Linggo sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, nasawi sa sakuna si Imelda Lirazan, 63-anyos at nakatira sa Candoni, Negros Occidental.
Base sa kuha ng CCTV, makikita na ilang beses nagpagulong-gulong sa gitna ng kalsada ang isang puting pampasaherong van na nag-overtake sa isang tricycle subalit bumangga sa nakaparadang pick-up truck.
Nabatid mula Ibajay Police, galing sa RoRo sa Caticlan ang van at pauwi na sana sa Negros Occidental nang mangyari ang insidente.
Nag-overtake umano ang van sa isang traysikel pero hindi umano nakontrol ng driver ang manibela ng van sa bilis ng takbo nito at bumangga pa sa nakaparadang pick up truck sa gilid ng kalsada dahilan para bumaliktad ng ilang ulit.
Agad naman na rumesponde sa lugar ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Ibajay, Bureau of Fire Protection Ibajay, at Ibajay Police upang dalhin sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Lirazan matapos magtamo ng malubhang sugat sa katawan.
Patuloy naman na ginagamot sa ospital ang anim na mga sugatan habang nasa kustodiya naman ngayon ng Ibajay Police ang driver ng van at hinihintay pa ng mga ito ang magiging desisyon ng mga pamilya ng biktima kung magsasampa ang mga ito ng kaso laban sa driver. VERLIN RUIZ