IDINEKALARA ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang isang linggong health break mula ngayong Enero 15 hanggang Enero 22.
Base sa Executive Order No. 28 Series of 2022, ang mga online at on-site classes sa lahat ng eskuwelahan sa lungsod ay suspendido ng isang linggo.
Ang nilagdaang executive order nitong Enero 14 ay hindi lamang para mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante, guro pati na mga non-teaching personnel sa pampubliko at pribadong institusyon ng akademya ng pagkakataon na makapagpahinga sa pisikal at mental fatigue na dulot ng pandemya kundi para na rin mabigyan ang kanilang mga sarili ng sapat na panahon para madetermina ang kanilang aksyon sa pagsunod sa minimum public health protocols upang maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa virus.
Inatasan din ang lahat ng mga may kinalaman na ahensiya ng gobyerno pati na rin ang lokal na ahensya ng Department of Education (DepEd) sa pagmo-monitor at pagpapatupad ng kanyang kautusan.
Hindi rin nakaligtas ang mga eskuwelahan sa epekto ng pandemya na idinulot ng COVID-19 dahil base sa report ng namumuno sa mga eskuwelahan sa lungsod, karamihan sa kanilang mga guro at non-teaching personnel kabilang na rin ang mga estudyante ay nahawahan na ng virus.
Samantala, sa COVID-19 update ng City Health Office (CHO) nitong Enero 14 ay nakapagtala ang lungsod ng kabuuang 26,448 kumpirmadong kaso kabilang na dito ang 3,626 aktibong kaso ng virus habang 22,261 ang mga nakarecover at 561 naman ang mga namatay na sa naturang virus.
Napag-alaman din sa CHO na dalawang barangay sa lungsod ang nakapagtala ng may mataas na bilang na 3-digit na kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng Barangay 183 at Barangay 201 na mayroong 492 at 211 aktibong kaso ng virus, ayon sa pagkakasunod-sunod. MARIVIC FERNANDEZ