Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre, San Juan)
10 a.m.- LPU vs SSCR (jrs)
12 nn.- SBU vs JRU (jrs)
2 p.m.- LPU vs SSCR (srs)
4 p.m.- SBU vs JRU (srs)
PUNTIRYA ng Lyceum of the Philippines University na makopo ang ika-10 panalo sa pagsagupa sa San Sebastian team sa pagsisimula ng second round ng eliminations ng 94th NCAA basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Humugot ng lakas sa isa pang MVP effort ni CJ Perez, winalis ng Pirates ang first round sa siyam na laro sa ikalawang sunod na season at umaasang madadala ang momentum sa second round sa kanilang pagharap sa Stags sa alas-2 ng hapon.
Nahirapan ang LPU bago nalusutan ang San Sebastian, 85-80, sa opener noong Hulyo sa MOA Arena sa Pasay City at inaasahang mas mapapalaban ito ngayon sa pagbabalik ni RK Ilagan sa lineup ng huli.
Balik sa paglalaro si Ilagan makaraang magsilbi ng three-game suspension na ipinataw ng koponan dahil sa paglalaro sa ibang mga liga sa kaagahan ng season.
Nagresulta rin ito sa pagpapawalang-bisa ng liga sa dalawang panalo ng Stags laban sa Jose Rizal Bombers at St. Benilde Blazers, dahilan para mahulog ang koponan sa ilalim ng standings na may 1-8 kartada.
At batid ni LPU coach Topex Robinson ang dapat asahan.
“San Sebastian is always a tough opponent, complete or not. We just have to always be prepared,” wika ni Robinson.
Sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon ay mapapalaban ang San Beda, nasa ikalawang puwesto na may 8-1 record, sa JRU (2-7).
Pinapaboran ang Lions laban sa Bombers makaraang manaig ito sa huli, 77-40, noong Agosto 28.
Comments are closed.