10 ARESTADO SA DRUG OPERATIONS

DRUGS-ARRESTED

CAVITE – MULI na namang umarangkada ang pinagsanib na pu­wersa ng pulisya at Philippine  Drug Enforcement Agency (PDEA 4A) makaraang masakote ang sampung drug suspect sa inilatag na magkakahiwalay na buy bust operation sa ilang bayan at lungsod sa lalawigang ito.

Kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Rodelfo Delfin Jr, 32-anyos, driver, ng Maligaya Road sa bayan ng Silang, Cavite; Joseph Ramirez, Jamir Cedro, kapuwa nakatira sa Topical Village Pabahay sa Barangay San Francisco, General Trias City; Maulana Basing, Frankie Garil, Rose Ann Ecubin, pawang residente sa nasabing Pabahay; Joverto Reyes, 45, Phase 7 Carrisa Homes Subd., Barangay Puntal sa ba­yan ng Tanza; Christopher Aquno, 38, ng Barangay Bunga; Narciso Crudo, 40, ng Barangay Bagtas sa bayan ng Tanza; at si Mary Grace Santos ng Barangay Banaan sa ba­yan ng Naic.

Ayon sa pulisya, tinutugis naman ang lider ng grupo ni Reyes na si Michael Baldonado na sinasabing notoryus na drug trader sa nasabing bayan.

Sa police report na naisumite sa Camp General Pantaleon Garcia, Magkakasunod na isinagawa ang drug operation laban sa mga suspek kung saan umabot sa P.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam kina Ba­sing, Garil at Ecubin.

Samantala, aabot naman sa 5 gramo ng shabu ang narekober kina Ra­mirez at Cedro habang kay Santos naman ay 5 piraso ng plastic sachets ng shabu at marked ­money.

Ayon pa sa ulat, naaktuhan naman na bumibili ng shabu sina Aquino at Crudo kaya nasakote sa bahagi ng Barangay Puntal sa bayan ng Tanza.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 35 drug suspects ang naaresto sa dalawang araw na drug operation sa anim na ba­yan at apat na lungsod sa nasabing lalawigan. MHAR BASCO

Comments are closed.