NILINAW ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 para matiyak na mapoproteksiyonan ang sambayanang Filipino ang $10 bilyong dolyar na ipinautang para sa bansa.
Ang nasabing halaga ay una nang nabanggit ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno sa isang pulong balitaan noong Miyerkoles.
Kinumpirma naman ito ni Roque at sinabing ang nasabing halaga ay patunay at katibayan na may kakayahan ang pamahalaan para sa procurement ng anti-COVID19 vaccines na siyang prayoridad ngayon ng gobyerno.
Gayunman, paglilinaw ni Roque na nasa nasabing halaga ay hindi pa mataya o estimate ang actual drawdown at ang $10 bilyon ay paniguro na mayroon pondo para pambili ng bakuna.
Habang kinilala naman ng national government ang inisyatibo ng mga local government unit (LGU) na naglaan din ng pondo para pambili ng bakuna sa kanilang nasasakupan.
“Lilinawin ko po. Iba po iyong pagga-grant ng pautang doon sa actual drawdown. So, mayroon po tayong kumbaga, pupuwedeng gastusin na hanggang $10 billion na sinabi nga po ni Governor Diokno, pero hindi pa po natin nado-drawdown iyon kasi hanggang hindi naman nakaka-deliver o hanggang hindi nga nakakapirma ay hindi pa dapat bayaran iyan. So, iyan po ay kumbaga kakayahan natin para bumili, pero wini-welcome din po natin iyong initiatives ng mga Local Government Units na gamitin ang kanilang pondo, pagbili ng vaccine, kasi ibig sabihin nito, hindi na tayo mangungutang para bilhin iyong mga bakuna na nilalaan para sa kanilang mga lugar,” ayon kay Roque.
Nilinaw din ni Roque na hindi basta makabibili ng bakuna ang LGUs dahil kailangan ng pirma ng national government at lahat ng bibilhin ay daraan kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
“Kinakailangan pa rin ng pirma ng national government kasi lahat po ng bakuna ay ibinibenta on a government-to-government basis. So, lahat po na pagbibili ng LGU ay sa pamamagitan po ng isang tripartite agreement na kasama po ang national government sa pagkatao po ni Secretary Galvez,” paglilinaw pa ni Roque. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.