NAKAALERTO ang 10 bayan sa Bulacan dahil sa patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa Angat river at dalawang dam na kung saan ay malapit nang maabot ang spilling level sa gitna pa rin ng nararanasang matinding pagbuhos ng ulan.
Agad namang inaabisuhan ang Local Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) gayundin ang mga residente na maging alerto sa posibleng pagtaas ng water level sa nasabing ilog.
Ang sinasabing mga bayan na inalerto ay ang Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliuag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong, at Hagonoy.
Patuloy naman na nakamonitor ang PAGASA at mga awtoridad sa Ipo dam sa hydrological condition ng angat River.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ang mga naninirahan na malalapit sa ilog na magsilikas sa posibleng pagpapakawala ng tubig sa mga dam anomang oras.
EVELYN GARCIA