BINIGYAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng libreng bisikleta sa ang 10 delivery rider na nawalan ng trabaho sa Albay sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Bukod sa bisikleta, binigyan din ng Kagawaran ang mga ito ng helmet, insulation bag, vest, raincoat, cellphone, at sim card na may P4,000 load.
Sa proyektong ito, bibigyan ng bisikleta ang mga kuwalipikadong aplikante na maaari nilang gamitin para sa paghahatid ng pagkain at iba pang mga serbisyo.
May kasama rin itong mobile phone at load wallet para sa negosyong e-loading.
Sinabi ni Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita na ang mga bisikleta ay hindi lamang pisikal na bisikleta kundi isang oportunidad na pangkabuhayan at isang pamamaraan upang mapalawak ang maliliit na negosyo.
“Ito pong mga bisikleta ay hindi lamang natural na bisekleta kundi isang instrumento na nagpapatunay ng patuloy na pagmamalasakit ng DOLE sa mga manggagawang labis na naapektuhan ang kabuhayan dulot ng pandemya,” ayon kay Campita.
“Nawa’y magamit ninyo sa pagpapalago ng inyong mga negosyo nang sa gayon ay mas marami pa tayong matulungan na tao sa gitna ng krisis na kinakaharap ng buong mundo,” dagdag pa nito. LIZA SORIANO