10 BRGY OFFICIALS NA SANGKOT SA DROGA BINABANTAYAN

DAVAO CITY- IBINUNYAG ng Philippine Drug Enforcement Unit XI na may mga sampung opisyal ng barangay ang mahigpit na binabantayan ngayon dahil sila ay hinihinalang sangkot sa talamak na bentahan ng ilegal na droga habang namumuno at naglilingkod bilang public official.

Ayon kay Regional Director Naravy Duquiatan, nakapokus ngayon ang PDEA XI sa pagpuksa sa ilegal na droga upang maideklara bilang drug free ang buong rehiyon.

Batay sa nakalap na datos, 85 mula sa 162 na mga barangay sa Davao City ang nasasangkot sa illegal drug trade.

Bagaman malaking hamon ito, sinisiguro ng PDEA XI ang pagpapanatili ng drug cleared status ng mga barangay at nakahanda ang tanggapan sa pagtulong sa paglulunsad ng drug clearing operations upang makamit ang seal of governance.

Aniya, responsibilidad ng bawat opisyal ng isang drug cleared barangay na makipagtulungan sa PDEA kung mayroong matutukoy na bagong drug personality sa lugar. EVELYN GARCIA