INIHAYAG ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Quezon City na umaabot sa sampung barangay sa Lungsod ang itinuturing na hotspot para sa dengue.
Sinabi ni Dr. Rolly Cruz ng CESU, ang 10 barangays ay ang Alicia, Katipunan, Pag-ibig sa Nayon, Ramon Magsaysay, Santo Cristo, Veterans Village, Bagong Lipunan ng Crame, Horseshoe, San Vicente, at Valencia.
Paliwanag nito, sa pagdedeklara ng hotspot ay higit pa sa bilang ng mga kaso, isinasaalang-alang din ang populasyon ng isang barangay gayundin ang lapit nito sa isa pang hotspot.
“Kung isa lang ang incidence rate mo pero maliit lang ang population mo, you can still be considered as a hotspot area,” anito.
“Kahit walang kaso pero kalapit mo ‘yung isang barangay na may mataas na incidence ng dengue, puwede kang maging hotspot na itinuturing natin. Hindi naman lahat ng kaso ng dengue ay nabibilang natin. ‘Yung mga nagpapa-konsulta at ospital lang. We assume na ‘pag mataas ang incidence sa isang barangay, marami pang kaso doon ang hindi natin nakikita,” dagdag ni Cruz.
Ang datos mula sa Department of Health-Metro Manila Center for Health Development ay nagpapakita na bukod sa Quezon City, ang mga lungsod ng San Juan, Marikina, Caloocan, at Navotas ay nakakita rin ng mas mataas na kaso ng sakit mula sa unang linggo hanggang 31 ng 2024 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Binalaan ni Health Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo ang publiko na bukod sa leptospirosis na nagdulot na ng mga pagkamatay, ang pag-iingat sa dengue ay dapat ding maging prayoridad ng publiko.
“Ito ay seasonal na disease. Masasabi na natin na nandoon na tayo sa panahon na ‘yun. Mahalaga yung maagang pagkonsulta at testing. Para ‘pag alam natin na dengue ‘to, mabibigyan tayo ng karampatang lunas,” ani Domingo.
Huling idineklara ng DOH ang dengue outbreak noong 2019 na nakaapekto sa halos kalahating milyong Pilipino, batay sa datos mula sa ulat ng medical journal na The Lancet.
EVELYN GARCIA