NASA 10 Catholic schools ang pansamantalang nagsara ngayong school year dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) Executive Director Jose Allan Arellano, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para mas mapahusay pa ang polisiya sa pagbibigay ng tulong sa mga pribadong paaralan upang maiwasan ang permanenteng pagsasara ng mga ito.
Aniya, hindi maitatanggi ang epekto ng pandemya sa mga pribadong paaralan sa bansa.
“Malaki ang kinalaman ng pandemic sa kawalan ng enrollees ng maraming paaralan, maraming private schools kasi nga walang hanapbuhay ang mga parents, walang pambayad ng tuition, so ‘yun ang naging dahilan ng College of the Holy Spirit among others,” aniya.
Gayunman, sinabi ni Arellano na karamihan naman sa mga Catholic school sa bansa ay nasa ‘stable’ na kondisyon habang ang nakararanas ngayon ng hirap ay ang mga maliliit na institusyon na mayroong 100 hanggang 200 estudyante.
Hindi binanggit ni Arellano ang mga Catholic schools na pansamantalang nagsara ngunit sinabing karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa mga rehiyon, partikular sa Central Luzon, ang iba ay sa Visayas, at isa sa Mindanao.
Comments are closed.