10% FARE DISCOUNT NAKAPALOOB SA TRAIN LAW – SOLON

Rep-Bernadette-Herrera-Dy

IPINAALALA ng isang kongresista ang pagkakaloob ng 10 porsiyentong diskuwento sa pamasahe ng lahat ng public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, partikular sa probisyon ng ‘social mitigating measure’ nito.

Kasabay nito, nanawagan si House Committee on Women and Gender Equality Chairperson at Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na atasan ang mga PUV operator at driver na sundin ang pagpapatupad ng student fare discount.

Iginiit ni Herrera-Dy, miyembro rin ng House committee on ways and means at Metro Manila development committee, na tulad ng mga may-ari at nagmamaneho ng PUV, maging ang mga pasahero ay binibigyan din ng tulong para maibsan ang epekto sa kanila ng pagpapatupad ng TRAIN Law.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang Pantawid Pasada Program (PPP), na katumbas ng P800 monthly fuel subsidy purchase sa PUV operators/drivers na may lehitimong prangkisa.

Subalit tila hindi naman, aniya, napapansin at nasusunod ang isa sa mga nilalaman ng TRAIN Law kung saan sinasabi na ang mga minimum wager ­earner, unemployed at poorest fifty percent of population ay pinagbibigyan ng 10 percent discount sa pasahe sa lahat ng PUVs maliban sa trucks for hire at school transport service.

Dahil dito, umapela si Herrera-Dy sa LTFRB na magsagawa ng kaukulang hakbang, lalo na ang pagpapaalala sa PUV operators at drivers hinggil dito, gayundin ang pagbalangkas ng panuntunan para sa pagpapatupad nito.

Samantala, pinuna rin ng kongresista ang hindi umano nasusunod na student fare discount, lalo na kapag araw ng Sabado at Linggo dahil malinaw, aniya, na sa LTFRB Resolution of October 11, 2017, ang diskuwento na ito ay epektibo sa lahat ng araw ng linggo, seven days a week at hindi lamang tuwing weekdays.

“LTFRB must issue at the soonest possible time a directive to all public utility jeepney operators requiring them to post inside their jeepney units the LTFRB Resolution of October 11, 2017 stating that the student fare discount is in effect every day of the week, seven days a week, not just on weekdays. Many jeepney drivers and operators continue to shortchange student commuters. This has to stop now,” pahayag pa niya.

Kasama rin sa hindi umano gaanong sinusunod, lalo sa hanay ng passenger jeepneys ang pagpapaskil at dapat sa lugar na madaling mababasa ng mga pasahero ang certified true copy ng PUJ Pantawid Pasada card at ang dalawang orihinal na kopya ng latest fare matrix na iniisyu sa mayroong legal na prangkisa.

Sinabi ni Herrer-Dy na ang mga dokumentong ito ay mahalaga rin para mabatid ng mga pasahero na ang kanilang sinasakyang pampasaherong jeep ay hindi kolorum, dahil kung nagkataong nadisgrasya ang PUV at wala itong prangkisa ay wala silang insurance coverage.        ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.