SAMPUNG players at dalawang coaches ng Gilas Pilipinas ang sinuspinde ng Fiba kaugnay ng naganap na rambulan sa pagitan ng Filipinas at Australia sa Fiba World Cup Asian Qualifiers noong Hulyo 2.
Pinakamabigat ang ipinataw na parusa kay Calvin Abueva na sinuspinde ng anim na laro, habang five-game ban naman ang tinanggap nina Roger Pogoy, Carl Cruz at Jio Jalalon.
Suspendido ng tatlong laro sina Terence Romeo, Jayson Castro William, Andray Blatche at Jeth Troy Rosario, at one-game suspension naman ang ipinataw kina Japeth Aguilar at Matthew Wright.
Ayon sa Fiba, pinatawan din ng tatlong larong suspensiyon si assistant coach Jong Uichico at isang laro si coach Chot Reyes, bukod pa sa multang aabot sa 10,000 Swiss francs (P534,834) dahil sa ‘inciting unsportmanlike behavior’.
Pinarusahan din ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) dahil sa ‘unsportsmanlike behavior’ ng kanilang players at ng publiko, at sa hindi sapat na pagsasaayos sa laro.
Dahil dito, lalaruin ng Filipinas ang susunod na home game nito sa closed doors, habang isinailalim sa probationary period na tatlong taon ang ban para sa dalawa pang home games.
Pinagbabayad din ang SBP ng disciplinary fine na nagkakahalaga ng 250,000 Swiss francs o P13,373,002.
Samantala, tatlong players ng Australia ang sinuspinde rin: Daniel Kickert (limang laro), Thon Maker (tatlong laro) at Chris Goulding (isang laro).
Dahil sa pagkakasangkot sa gulo ay pinagmulta rin ang Australia ng kabuuang 100,000 Swiss francs o P5,349,200.
Pinagmulta rin ang Basketball Australia ng 100,000 Swiss francs dahil sa ‘unsportsmanlike behavior’ ng mga player nito at sa pag-alis sa floor stickers sa court sa bisperas ng laro.
Hindi rin nakaligtas sa parusa ang mga referee sa laro.
Tinanggal ng FIBA secretary general sina referees Ahmed Al Bulushi ng Oman, Hatim Alharbi ng Saudia Arabia, at Paul Skayem ng Lebanon sa FIBA Elite Program, at hindi na sila papayagang mag-officiate sa anumang international competition na kinikilala o inorganisa ng FIBA sa loob ng isang taon.
“FIBA wishes to emphasize that it condemns any form of violence, both on and off the court. Respect, sportsmanship and professionalism are expected from players, coaches, officials and all other stakeholders at every game,” ayon sa FIBA.
“Moreover, host countries must ensure the highest standards of organizational conditions are in place to guarantee the safety and well-being of players and other participants at all times,” dagdag pa nito.
Comments are closed.