10 INFRA PROJECTS ITINATAYO NA

MAY 10 infrastructure projects mula sa 75 big-ticket flagship projects sa ilalim ng ‘Build Build Build’ (BBB) program ng administrasyong Duterte ang kasalukuyan nang itinatayo, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa datos ng DOF, ang 10 proyekto ay may kabuuang halaga na P59.759 billion.

Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III na sa 75 high-impact infrastructure projects sa ilalim ng BBB, may 35 na ang inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at nakahanda nang ipatupad.

Sa 10 proyekto, ang mga ipinatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay kinabibilangan ng Binondo-Intramuros Bridge sa tulong ng Chinese grants at nagkakahalaga ng P4.607 billion; Estrella-Pantaleon Bridge sa tulong din ng Chinese grants at may project cost na P1.367 billion; Panguil Bay Bridge Project sa ilalim ng pautang mula sa South Korea na may project cost na P4.858 billion; improvement ng nalalabing bahagi ng Pasig River mula Delpan Bridge hanggang Napindan Channel (PMRCIP-IV) sa pamamagitan ng official development assistance (ODA) at nagkakahalaga ng P1 billion.

“In funding its public infrastructure, the Philippine government makes use of a hybrid model of the Public-Private Partnership (PPP) that utilizes a combination of the National Treasury, inflows from ODAs and funds raised from bond floats at investment-grade rates,” ayon sa DOF.

Ang mga proyektong ipinatutupad ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay ang Clark Green City Government Center sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) na may project cost na P1.780 billion; Clark Green City Commercial Center sa pamamagitan din ng PPP at nagkakahalaga ng P850 million; at Clark Green City Mixed-Income Housing sa pamamagitan din ng PPP na may project cost na P3.331 billion.

Para sa Department of Transportation (DOTr), ang mga proyekto na itinatayo na ay kinabibilangan ng New Bohol Airport sa operations at maintenance concession nito sa pamamagitan ng PPP at may total project cost na P2.335 billion; at ng ­Mindanao Rail Project (Phase 1) – Tagum Davao Digos Segment sa pamamagitan ng Chinese loan at funding mula sa General Appropriations Act (GAA) at may kabuuang halaga na P35.257 billion.

Plano ng gobyerno na gumasta ng P8 million hanggang P9 trillion sa infrastructure projects sa ilalim ng administrasyong Duterte o hanggang sa 2022.

Ang ika-10 proyekto na ipinatutupad ng National Irrigation Administration (NIA) ay ang Chico River Pump Irrigation Project. Pinondohan ito ng Chinese loan at may project cost na P4.372 billion. REA CU

Comments are closed.