SAMPUNG katao na magkakamag-anak kabilang ang isang 5-buwang gulang na sanggol ang namatay sa sunog na tumupok sa bahay ng mga biktima nitong Linggo ng umaga sa Muntinlupa City.
Ayon kay Muntinlupa City Bureau of Fire Protection (BFP) chief Superintendent Eugene Briones, sa sampung biktima ay anim sa mga ito ang mga menor de edad na nagmula sa tatlong pamilya na magkakamag-anak.
Base sa inisyal na ulat ng Muntinlupa Central Fire Station, nagsimula ang sunog sa kusina ng isang bahay sa Larva Street, Bruger Subdivision dakong alas-8:56 ng umaga na naideklara lamang ng hanggang unang alarma.
Sa mabilis na pagresponde ng mga miyembro ng pamatay sunog ng lungsod ay agad na naapula ang apoy kung saan naideklaran ang fire out ng alas-10:25 ng umaga.
Ayon kay Briones, matapos maapula ang apoy ay nadiskubre sa isang lugar ng bahay yung nanay na nakayakap sa kanyang limang-buwang gulang na anak habang yung tatlo naman na malalaking lalaki ay magkakasama sa isang gilid ng bahay na posibleng nagtangka ang mga ito na makalabas ng bahay ngunit na-trap na lamang sa loob dahil naka-grills ang bahay.
Bukod sa mga nadiskubreng bangkay ay nakita rin ang bangkay ng isang matanda sa loob ng CR na nakasuksok ang ulo sa ilalim ng lababo.
Dagdag pa ni Briones na malaki ang posibilidad na namatay ang mga biktima sa kapal ng usok dahil ang kanilang mga katawan ay natagpuang buo pa ay walang bahid ng kahit anumang sunog sa katawan.
Bukod sa mga namatay na biktima ay may naiulat din na isang sugatan sa insidente habang umabot naman ang halaga ng napinsalang ari-arian sa P500,000.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga imbestigador upang malaman ang dahilan ng naturang sunog na tumumupok lamang sa nag-iisang bahay ng mga biktima. MARIVIC FERNANDEZ