NARITO na tayo sa 2020. Excited ka na ba ka-negosyo?
Sinaliksik natin ang iba’t ibang payo ng mga matagumpay na entrepreneur. Tiningnan natin ang kanilang mga gawain at paniniwala. Sampung skills o kasanayan ang ating naipon para maibahagi sa inyo.
Tara na at matuto!
#1 Bawal maging nega!
Ito marahil ang pinaka-karaniwan sa lahat ng nabasa ko at napanood, gayundin sa mga nakausap kong mga bilyonaryong entrepreneur. Ang pagiging negatibo sa maraming bagay ay tila isang pinto na nagsasara sa mga oportunidad na pumapasok sa ‘yo.
Sa totoo lang, ‘di basta lumalampas ang mga oportunidad. Sa katunayan, lagi mo itong nasasagap. ‘Yun lang, dahil nega ka, ‘di mo ito napapansin. Para sa ‘yo, lahat ay problema. ‘Yan ang dala ng negatibong saloobin at pananaw.
Ang madalas na payo ko rito, bukod sa pagkakaroon ng positibong pananaw ay iwasan ang negatibong kapa-ligiran kasama na ang pag-iwas sa mga negatibong tao.
#2 Matuto sa nakaraan
Ayon sa isang artikulo sa New York Times, ang nakaraang ating madalas maalala ay ‘di ‘yung mismong mga nangyari. Kundi, ito ay naaayon sa ating nais maalala.
Kung ang pananaw mo ay negatibo o positibo, ito rin ang pagkakaalala mo rito.
Kaya kung positibo ang iyong pananaw sa buhay at negosyo, malamang na ang tingin mo sa bawat pagkabigo sa ‘yong nakaraan ay leksiyon at ‘di kamalasan.
Ito na ngayon ang dapat mong gawin – ang matuto sa nakaraan. Ang taong ‘di natuto sa kanyang mga tagumpay at pagkabigo sa nakaraan ay parang bulag sa kasalukuyan. Huwag aksayahin ang bawat leksiyon. Kasama ‘yan sa paaralan ng buhay. ‘Ika nga, charge to experience.
#3 Laging ayusin ang kapaligiran at kasama
Kung positibo ang kapaligiran mo at positibo ang iyong mga kasama sa buhay at negosyo, lahat ng sitwasyon ay aayon sa ‘yo.
Ang inspirasyon at idea na nagkakaroon ang mga super entrepreneur ay ‘di dahil sa magugulong sitwasyon. Ang utak ng tao ay kusang gumagana kapag inspirado siya, ‘di ba? Kaya kung ang kapaligiran mo ay ‘di pinang-gagalingan ng motibasyon para sa isang negosyo, baguhin mo na ito.
Sa akin, ang mga inspirasyon ko at mga ideya ay nabubuo kapag nag-shower ako o kaya’y nagdarasal. Kapag napaliligiran ako ng tubig, gaya ng sa swimming pool o dagat, nabubuo ang sanga-sangang ideya na aking binubuo sa isip ko.
Kanya-kanyang kapaligiran ‘yan, ayon sa iyong karanasan at nakasanayan. Hanapin mo ito. Basta, ‘wag mong kalimutang ayusin ang mga taong nakapaligid din sa ‘yo. Kasama ‘yan sa dapat ausin o baguhin.
Ang madalas kong ipayo sa mga batang entrepreneur ay umiwas sa mga negatibong tao at sitwasyon. Gayundin ang pagsama sa mga taong mas magagaling sa ‘yo. Bukod sa positibo ito, may matututunan ka rin.
Tandaan lang na ‘di dahil magaling, maayos na kasama. Puwede ring kasing puro ilegal naman ang gawain ng mga ito. Nega na ‘yun.
#4 Hanapin ang “bakit?”
Kung ang rason mo sa nais na maging matagumpay na entrepreneur ay upang yumaman lamang, mabibigo ka lang. Ayon sa kilalang guru na si Simon Sinek, kailangan mong magsimula sa tanong na “bakit?” para malaman mo ang layunin mo sa buhay at pagnenegosyo.
Noong nagsimula ako sa pagsusulat sa blogs ko, nais ko lang maibahagi ang mga nababasa ko na alam kong makatutulong sa mga kapwa ko entrepreneur. Mabilis kasi akong makaintindi ng mga nababasa ko at naiaayon ko sa iba’t ibang sitwasyon. Nang lumaon, dumami ang mga blogs ko hanggang naging negosyo ko na ito. Dahil nasa Ingles ang mga salita, at naitaguyod ko ito sa labas ng Filipinad, nasa 183 na bansa ang aking mambabasa. Sa pitak na ito ko lamang naibabahagi sa wikang Filipino ang aking mga kaalaman sa pagnenegosyo.
Sa halimbawang ito, makikita na ang ninais ko lamang ay makapagbahagi ng kaalaman. Nang lumaon, naging negosyo na ito.
Ikaw, ka-negosyo, ano ang layunin mo sa pagnenegosyo at sa buhay?
#5 Simple lang ang lahat
Sa totoo lang, ang buhay at pagnenegosyo ay simple lang. ‘Di naman komplikado ang mga bagay-bagay, ngunit tayo na mismo ang gumagawang komplikado sa mga ito, ‘di ba?
Sa pagsisimula sa isang negosyo, kailangan sa simpleng paraan ay maibahagi mo ang ideya sa pumapaloob di-to. Dapat alam mo kung sino ang kostumer mo at bakit siya bibili sa ‘yo. Dapat alam mo rin kung nasaan ang kita dito. Sa loob ng isang minuto, kaya mong sabihin ito sa kahit na sinong makikinig.
Kung komplikado ang iyong mga proseso sa umpisa pa lang, baka mahirapan kang palakihin ito. Si Mark Zuckerberg at mga kasama niya ay sinimulan ang Facebook sa pagnanais na gumawa ng direktoryo ng mga ba-bae sa campus nila. Ganoon lang ‘yun talaga. Nang magawa na nila ito, marami nang gumamit nito at lumago ang features dahil na rin sa kahilingan ng mga gumamit. Nang lumaon pa, nagkaroon na ito ng pamamaraang kumita. At ayun, the rest is history, ‘ika nga.
Isang simpleng tip, ka-negosyo – kung kaya mong ilarawan sa isang papel na napkin ang iyong ideya, alam mong sim-ple lang ito. (Itutuloy)