10 KASANAYAN NA DAPAT MAYROON KA PARA MAGING SUPER ENTREPRENEUR SA 2020

homer nievera

(Pagpapatuloy)

#6 Ilarawan sa isip ang iyong tagumpay

Marami akong kilalang nag-­uumpisang magnegosyo na ‘di nila kayang i-visualize o ilarawan sa kanilang isip ang kanilang tagumpay. Kung ‘di mo kasi tila nahahawakan ang tagumpay sa iyong kamay sa loob ng iyong pag-iisip, mahihirapan kang makamtan ito.

Ang tawag dito ay visualization, kung saan tila lasap mo ang tagumpay. Nakikita mo sa iyong isip kung paano ka nagtatagumpay at ano ang ginagawa mo sa panahon ng tagumpay na ito.

Noong nagsimula na akong magtrabaho, naitatak ko sa isip ko ang larawan ng sarili ko na nakaupo bilang manager ng isang departamento sa isang malaking kompanya. Sa edad na 22, naging head ako ng isang departamento.

Tandaan na kung kaya mong i-visualize ang isang ideya, kaya mo itong magawa. Ang pangarap mo ay ang iyong hangganan.

#7 Malinaw at epektibong komunikasyon

Kung ‘di mo ka­yang mailarawan ang iyong ideya sa ibang tao, talo ka na sa um­pisa pa lang. Ang ma­linaw at epektibong komunikasyon ay isang kasanayan o skill na dapat mong matutunan.

Nabubuhay tayo sa isang komunidad na kailangan ng palagiang komunikasyon sa isa’t isa. Kahit na online ang iyong negosyo, may komunikasyon pa ring nagaganap sa pamamagitan ng chat, text, email, video at iba pang pamamaraan.  Ang mahalaga ay matutunan mo ang tamang pamamaraan upang makapag-ugnayan ka nang epektibo sa kostumer at partners mo.

#8 Kasanayan sa sales o pagbebenta

Lahat ng may-ari ng isang negosyo ay marunong magbenta. ‘Di puwedeng aasa lang sa ibang tao para gawin ito. Sa konseptong 1-4-3, ang 1 ay nangangahulugang dapat ay makabenta ka sa isang tao bago sabihing entrepreneur ka. Ang 4 ay nangangahulugang ma-deliver mo ang iyong naibenta sa loob ng apat na araw o apat na linggo. Ang 3 ay uulitin mo ang proseso ng tatlong beses.

Kaya ‘di mo puwedeng sabihing ‘di ka magse-sales. Mahalaga itong skill na ito bilang super entrepre-neur. Marami namang mapapanood sa Youtube at mababasa sa Internet ukol sa tamang pamamaraan nang pagbebenta. Ang importante, pahalagahan mo ito at maging eksperto sa iyong produkto o serbisyo.

Kung ‘di mo ka­yang ibenta ang produkto o serbisyo mo, paano ka kukuha ng tagabenta mo?

#9 Focus, focus, focus.

Kahit anong galing mo sa mraming bagay, kung wala kang focus, sasabog lang ang ne­gosyo mo.

Madalas, marami tayong ideya sa paglago ng ating negosyo. Kailangan mo lang li­nangin ito at alamin ang dapat unahin at mag-focus sa pamamaraan na iyong napili. Parang ‘yung maraming nakabukas na pinto ng oportunidad sa harapan mo at nais mong buksan at pasukin ang lahat. ‘Di puwede talaga iyon. Wala kang matatapos. Puro ka umpisa. Sayang ang panahon.

Sa kabilang banda naman, dapat alam mo rin ang iyong hangganan. Huwag kang magpapakasira sa isang bagay na paulit-ulit ka na pero ‘di pa rin tumutuloy ang negosyo o ideya. Dapat, mabilis ka ring mag-pivot o lumiko upang subukan naman ang ibang pamamaraan.

Maraming beses na sumubok si Michael Jordan ng ibang isports pagkatapos ng kanyang karera sa basketball. Naglaro siya sa baseball at golf. ‘Di siya lubusang nagtagumpay rito gaya ng sa basketball. Ang ginawa niya ay nag-focus siya sa pagnenegosyo. Ito na ngayon ang kanyang sumunod na karera na lalong nagpatagumpay sa kanya.

Magkaroon ka ng focus at mag-commit ka rito.

#10 Repleksiyon sa bawat araw

Halos lahat ng kilalang super entrepreneur ay nagkakaroon ng pa­nahon para sa repleksiyon sa kanil-ang ginagawa sa bawat araw. Mahalaga ito dahil kailangan mong magkaroon ng tamang direksyon sa pamamagitan ng pagbalik-tanaw sa araw na nagdaan.

Ako kasi, ang oras ng repleksiyon ay sa umaga kung kailan ako nagdarasal. Kanya-kanya naman ang paraan at oras na gugugulin sa repleksiyon. Ang mahalaga, gagawin mo ito.

Paano ka nga naman maghahanda sa susunod na araw kung ‘di mo man lang nabalik-tanawan at nahimay ang araw na dumaan. Baka kasi ulitin mo lang ang mga pagkakamali o ‘di kaya’y ‘di mapag-isipan ang solusyon sa problema.

Sa ganang akin, mahalagang magkaroon ng ispirituwalidad sa repleksiyon. ‘Di kasi lahat ng solusyon ay kaya mong maresolba. Kailangan din ng panalangin at pananampalataya.

Pagtatapos

Ang taong 2020 na ngayon pa lang nagsisimula ay maraming tinatawag na plot-twist pa. Ngunit kung mahuhulma mo sa tamang kasanayan ang iyong sarili, mapag­hahandaan mo ang kahit na anong pag-subok sa buhay at pagnenegosyo.

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. ‘Di man ito para sa lahat, maaari ka namang mag-sideline.

Tandaang ‘di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at maging masinop sa lahat ng bagay.

Higit sa lahat, ma­ngarap para sa kinabukasan kasama ng pagtitiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.



Si Homer ­Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.