SAMPU katao ang arestado sa ikinasang buy bust operation na nagresulta ng pagkakakumpiska ng mahigit P350,000 halaga ng droga kamakalawa sa Makati City.
Kinilala ni Makati City police chief P/Colonel Rogelio Simon ang mga inarestong suspek na sina Niro Rabina, 20; Allan Concepcion, 41; Raymond Manlapat, 29, at Venzen Valeros, 30, pawang mga residente ng Block 3 Lot 28, Camia St., Brgy. Pembo, Makati City; Jayson Ongmanchi, 35, driver, at Maria Ronela Evangelista, 32, pawang nakatira sa Block 21 Lot 8A, Camia St., Brgy. Pembo, Makati City; Beatrice Dioniza, 30, at Rosa Dioniza, 66, vendor, kapwa naninirahan sa Block 4 Lot 24 Dalia, St., Brgy. Pembo, Makati City; Jayanna Ongmanchi, 12, estudyante, ng 375D Cambridge Village, Kabisig, Cainta, Rizal, at Jennelyn Flores, 35, ng 249 Block 8, Pili Avenue, West Rembo, Makati City.
Sa report na isinumite ni Simon sa Southern Police District (SPD), nadakip ang mga suspek dakong alas-9:30 ng umaga kamakalawa ng umaga sa Camia Street, Brgy. Pembo, Makati City makaraang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa ilegal na aktibidad ng mga ito kaya nagsagawa ang awtoridad na surveillance operation.
Makaraang magpositibo, agad na ikinasa ang buy bust operation ng mga operatiba ng Makati police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na pinamunuan ni P/Lt. Jeson Vigilla kasama ang mga miyembro ng Makati-PCP 9 na pinamumunuan naman ni Michael Duldulao kung saan nasakote ang mga suspek at nakumpiskahan ng 81 heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu na nagka-kahalaga ng P350,000, 2 piraso ng ecstacy na nagkakahalaga ng P3,000, dalawang kalibre .45 pistola, 18 pirasong bala ng .45, 15 pirasong bala ng kalibre .22, weighing scale, toother, tactical bag, holster, 2 pirasong pouch at ang Toyota Avanza na may plakang NAV-5327. MARIVIC FERNANDEZ