NADISKUBRE ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang 10.5 kilo ng high-grade “Kush” marijuana na nakatago sa 2 piraso ng one-seater sofa na nagkakahalaga ng P17.169 milyong piso.
Ang inspeksyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ) at mga opisyal ng Barangay Dau.
Ayon sa rekord, ang naturang kargamento ay dumating noong Agosto 6 at ideklara ng consignee na 2 piraso ng “One Seat Sofa.”
Ito ay minarkahan para sa X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC matapos makita ang mga kahina-hinalang imahe.
Sa K-9 sniff test na isinagawa, nakita ang presensya ng mga ilegal na sangkap at sa pisikal na inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad ang 23 self-sealing na transparent na plastic sachet (12 at 11 pakete) ng tuyong dahon at mga “fruiting tops” na high-grade marijuana na kilala rin bilang “Kush.”
Ang samples ay kinuha at ipinasa sa PDEA para sa chemical laboratory analysis na nagkumpirma na ang mga sangkap ay marijuana.
Dahil dito, inisyu ang Warrant of Seizure and Detention sa shipment sa paglabag sa Section 118(g), 119(d) at 1113 paragraphs f, i at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. No. 9165.
Pinuri ni District Collector Erastus Sandino B. Austria ang kanilang mga tauhan sa agarang aksyon na pigilan ang paglaganap ng illegal drugs.
Samantala, nanindigan si Commissioner Bienvenido Y. Rubio sa kanilang kampanya laban sa drug smuggling sa bansa.
“BOC pledges to prevent smuggling and protect the country’s borders and our citizens’ well-being against the dangers and ill-effects of illegal drugs and substances.”
RUBEN FUENTES