10 LGUs SA 60-M EURO GRANT TINUKOY

TINUKOY ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 10 local government units (LGUs) na maaring makinabang sa 60-million euro grant para sa local circular economy, solid waste management, at climate change mitigation measures.

“The 60 million (euro) grant is an offer by the EU (European Union) principally for the purpose that you just mentioned. The details of which still have to be worked out and defended at the NEDA-ICC (National Economic Development Authority-Investment Coordinating Committee). So, we’re in the process of actually putting the necessary documentation together,” sabi ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga.

Anang Kalihim, target ng pamahalaan na ihanda ang lahat ng kanilang mga isinumite sana para sa pagtatasa ng NEDA Board sa Nobyembre ng taong ito,

Nilagdaan ng DENR ang magkasanib na deklarasyon para sa Green Economy Program sa Pilipinas sa pagbisita ni European Commission President Ursula von der Leyen nitong linggo.

Ang mga highly urbanized LGUs na maaaring makinabang sa Euro grant ay kinabibilangan ng Baguio City, Pasig City, Quezon City, Caloocan City, Davao City, gayundin ang Ormoc City, Island Garden City of Samal, Metro Iloilo at ang mga isla ng Palawan at Siargao.

Bagama’t hindi pa kumpleto ang mga detalye ng mga proyekto, sinabi ni Yulo-Loyzaga na natukoy na ng DENR ang mga potensyal na LGU dahil sila ang mga frontliner sa solid waste management efforts sa bansa, partikular sa pagkontrol ng methane releases mula sa solid waste landfills.

Sa tanong ng mga mamamahayag tungkol sa pangunahing pag-aalala ng LGU sa mga tuntunin ng solid waste management, sinabi ng DENR chief na ang bawat yugto ay isang hamon pa rin lalo na kung paano makuha kung ano ang magiging bahagi ng parehong pormal at impormal na aktibidad sa ekonomiya.

Sinabi rin ni Yulo-Loyzaga na ang pangongolekta ng basura bilang isa sa mga hamon dahil kabilang dito ang logistics at mga tauhan na mangongolekta at magpoproseso ng mga basura sa mga available na pasilidad sa pagbawi ng mga materyales.

Habang hinihintay ang pag-apruba ng NEDA sa mga pagsusumite, sinabi ni Yulo-Loyzaga na tututukan ang ahensiya sa sarili nitong pagsisikap na itulak ang green economy batay sa umiiral na mga patakaran at regulasyon.
EVELYN QUIROZ