Photo courtesy: ChessBase India
PANGUNGUNAHAN nina United States-based Grandmaster Mark Paragua at Women’s GM Janelle Mae Frayna ang 10-man Philippine chess team sa 44th World Chess Olympiad mula Hulyo 28 hanggang Agosto 10 sa Chennai, India.
Pormal na inanunsiyo ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) ang komposisyon ng koponan nitong Lunes na sasabak sa pinakamalaki at pinaka-engrandeng event sa chess sa mundo na nagbabalik sa harapang aksiyon pagkatapos ng dalawang taong pahinga dahil sa pandemya.
Kasama rin sa men’s team ang isa pang US-based GM Rogelio ‘Banjo’ Barcenilla, GM Darwin Laylo, GM John Paul Gomez, at International Master Paulo Bersamina. Ang women’s squad ay binubuo nina WIM Jan Jodilyn Fronda, WIM Marie Antoinette San Diego, WFM Shania Mae Mendoza, at WGM candidate Kylen Joy Mordido.
Si GM Eugene Torre ang gagabay sa men’s team habang si NCFP chief executive officer GM Jayson Gonzales ang hahawak sa women’s side.
Hindi nakasama sa koponan sina GM Oliver Barbosa, GM Julio Catalino Sadorra, at IM Daniel Quizon, silver medalist noong nakaraang May SEA Games sa Hanoi, Vietnam matapos na palampasin ng NCFP ang iba pang qualification tournaments dahil sa kakulangan ng oras.