KULUNGAN ang kinahantungan ng sampung hininihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makumpiskahan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu at isang baril sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Lt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang mga suspek na sina Mar Socorro, 35-anyos; Crisel Bravo, 34-anyos; Landrito Villegas, 38-anyos; Edmar Perez, 49-anyos; Rodolfo Masangya, 45-anyos; Ruel Fernandez Jr, 36-anyos; Clifford Austria, 42-anyos; Ernesto Docil, 54-anyos; Mauricio Doon, 54-anyos at kanyang kuya na si Juan Doon, 59-anyos.
Ayon kay Cpl Pamela Joy Catalla, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng buy bust operation sa isang bahay sa No. 47 compound, Ilang-Ilang Street, Brgy Karuhatan na nagresulta sa pagkakaareato kay Socorro matapos bentahan ng P9,500 halaga ng shabu si Cpl Isagani Manait na umakto bilang poseur-buyer.
Nakuha kay Socorro ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng shabu, marked money, P800 cash, cellphone, coin purse at isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala.
Dinakip din ng mga operatiba ang siyam pang katao matapos maaktuhang sumisinghot ng shabu sa loob ng naturang bahay at narekober sa kanila ang isang unsealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, P120 cash, ilang drug paraphernalias at anim na cellphones.
Tinatayang nasa 30 gramo ng shabu na may Standard Drug Price P204,000.00 ang narekober sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagang kasong paglabag sa RA 10591(Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) in relation to Omnibus Election Code of the Philippines ang kakaharapin ni Socorro. EVELYN GARCIA