INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 10 ang bilang ng fireworks-related injuries (FWRI) na kanilang naitala sa bansa mula 6:00AM ng Disyembre 21 hanggang 5:59AM ng Disyembre 26.
Batay sa FWRI report #5 ng DOH, ito’y matapos na makapagtala pa sila ng anim na karagdagang FWRI hanggang kahapon ng umaga.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay mas mababa ng 15 kaso o 60% kumpara sa naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Ang mga biktima, na nagkaka-edad ng 10 hanggang 43 taong gulang, ay pawang nasugatan dahil sa paputok.
Nagmula sila sa National Capital Region (NCR) at Region 5 na parehong nakapagtala ng tig-dalawang kaso habang tig-isa naman ang naitala ng Regions 3, 6, 7, 11, at 12, gayundin ang Calabarzon.
Anim sa mga biktima ay nagtamo ng blast/burn injury without amputation habang ang apat na iba pa ay nagtamo naman ng eye injury.
Kabilang sa mga paputok na ginamit ng mga ito ay 5-star na nakapambiktima ng apat na indibidwal, habang tig-isa naman ang nabiktima ng baby rocket, boga, bong-bong, fountain, rebentador at whistle bomb.
Kaagad namang napauwi ang siyam sa kanila matapos na lapatan ng lunas sa pagamutan habang isa ang kinailangan munang i-confine sa ospital.
Wala pang naiulat na namatay ang DOH sa paggamit ng paputok. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.