NAGKALAT NA ang sari-saring paraan ng pagpapapayat sa panahon ngayon. Ang hirap tuloy makasiguro kung mabuti ba ito sa ating kalusugan. Isa pa, iba’t iba ang body type at takbo ng metabolism ng bawat isa sa atin, kaya’t sa iba’t ibang paraan din hiyang ang ating katawan. Ngunit ayon sa pag-aaral ng World Health Organization, ang pagkain ng mga prutas at gulay ay hindi lamang mabisa sa pagpapapayat, kung hindi marami rin itong benepisyo sa ating kalusugan.
Narito ang ilan sa mga pagkain na makatutulong sa pagbabawas ng timbang:
GREEN TEA
Pinaniniwalaang mahusay ang green tea sa pagpapabilis ng metabolism dahil mayroon itong kemikal na tinatawag na Epigallo-catechin gallate o EGCG. Binibigyan nito ng signal ang ating utak na dagdagan pa ang sinusunog nitong calorie. Ang pag-inom ng green tea bago matulog ay mabisa ring antioxidant, na nakatutulong sa pagpapababa ng risk na magkaroon ng heart disease at cancer.
QUINOA
Mataas ang protein level nito at mayaman sa amino acids. Dahil ang quinoa ay grain, ito ang gulay na maaaring ipalit sa pagkain ng karne. Pakukuluan lamang ito sa loob ng 10-15 minuto hanggang sa lumambot. Maaari ring dagdagan ng asin ang tubig para magkalasa ang quinoa. Pagkaluto, malambot ang texture nito at kalasa ng nuts.
MADAHONG GULAY
Ang mga berde at madahong gulay tulad ng lettuce at spinach ay mayaman sa calcium. Ayon sa pag-aaral, ang high-calcium diet ay nakatutunaw ng calories, kaya’t napabibilis nito ang metabolism. Mayroon ding vitamin C at fiber ang mga madahong gulay na mabisa naman sa pagpapalakas ng im-mune system.
PAPAYA
Nakatutulong sa panunaw ang pagkain ng papaya dahil mayaman ito sa enzymes. Bukod pa rito, ang enzymes tulad ng alpha amylase at protease ay nakatutulong sa pagtunaw ng starches, carbohydrates at protein na mahalaga sa pagbabawas ng timbang.
OATS
Mayaman naman sa fiber at carbohydrates ang oats na nakapagpapababa ng insulin levels matapos kumain. Ang mababang insulin level ay nakapapayat dahil kapag mataas ang lebel nito, mas maa-absorb ng katawan ang taba.
BEANS
Isa rin itong mainam na pamalit sa karne dahil halos kompleto na ang nutrisyon na makukuha sa beans. Dahil mayaman ito sa protein at fiber, nakabubusog ang pagkain nito. Dahil pakiramdam natin ay puno na ang ating tiyan, maiiwasan ang pagke-crave ng iba pang pagkain.
APPLES
Tunay ngang “an apple a day keeps the doctor away.” Ngunit alam mo ba mainam din ito sa pagpapapayat?
Maraming bitamina at mineral ang hatid ng mansanas. At tulad ng beans, mataas ito sa fiber na nakatutulong upang mabusog tayo agad.
HOT CHILI PEPPERS
Ayon sa pag-aaral ng UCLA Center for Human Nutrition, ang “heat” na makukuha sa chili peppers ay magtutulak sa ating katawan na magsunog ng karagdagang calorie at magtunaw ng taba. Natuklasan din sa iba pang findings na pinabibilis nito ang metabolism.
LEMONS
Mabuti naman sa digestive system ang lemon dahil sa citric acid at enzymes na taglay nito. Binabalanse rin nito ang ating blood sugar level. Maaaring lagyan ng katas ng lemon ang iyong ulam o haluan ng lemon juice ang tubig at inumin ito bago kumain para mapabilis ang iyong metabolism.
Sa ating lifestyle ngayon na ang lahat ng bagay ay pang-mabilisan, kailangan talagang mag-exert ng effort kung gusto nating gawing healthy ang ating mga kinakain.
Ngunit kung tayo ay matiyaga, magiging habit na rin ito kalaunan.
Bukod pa sa pagkain ng mga natural food, kailangan din nating pagtuunan ng pansin ang pag-eehersisyo. Ang tamang diet at exercise na marahil ang pinakatiyak na daan patungo sa ating fitness goals.
BROCCOLI
Ang broccoli ay wonder-gulay sa rami ng nutrisyong hatid nito sa ating katawan tulad ng calcium, vitamin C, folic acid, vitamin A, fiber, protein at mga cancer-fighting nutrients. Dahil mayroon itong calcium at fiber, tulad ng nabanggit kanina, mabisa ito sa panunaw ng calories.
(Photo credits: eatingwell, berkeleywellness.com, deviantart.com at food.ndtv.com.) RENALENE NERVAL
Comments are closed.