SAMPUNG online sellers ng ilegal na paputok ang naaresto sa dalawang araw na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila at sa Pampanga.
Ang operasyon ay sanib-puwersa ng PNP Anti-Cybercrime Office (ACG), local police, at Regional Anti-Cybercrime Unit 3 alinsunod sa kautusan ni PNP Chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. para sa pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na paputok at iba pang Pyrotechnic devices.
Sa operasyon ng Mexico PNP sa Pampanga, unang naaresto ang tatlong online sellers na nakumpiskahan ng mga illegal firecrackers kabilang ang 5,000 rounds ng Sawa; three (3) rolls ng 2,000 rounds Sawa, 5 (five) pcs Judas Belt, at 20 (Twenty) packs Five Star.
Sa harap naman ng Philippine National Railways (PNR), Tutuban Compound, Maynila, naaresto ang dalawa pang online sellers sa pamamagitan ng entrapment operations.
Nitong Huwebes, naaresto rin ang dalawang violators sa Brgy San Roque, Navotas City at nakuhanan ng kanilang panindang paputok.
Noong araw din iyon, naaresto ng joint operation ng Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) at Eastern District Anti-Cybercrime Team (EDACT) kasama ng Explosive Management Division-FEO ang dalawa pang online sellera ng paputok sa basement parking area ng isang mall sa Marikina.
Kinagabihan naman ng araw din na iyon, isang babaeng online seller ang naaresto ng Raxabago Police Station sa Tondo, Maynila sa Pitong-gatang St., Brgy. 56.
“In coordination with other law enforcement agencies and local government units, the PNP will continue to conduct cyber patrolling, inspection, confiscation and destruction of prohibited firecrackers and pyrotechnic devices without let up following the guidelines on the regulation to ensure safety of the public”, ayon kay Azurin.
EUNICE CELARIO