10 PAALALA PARA ‘DI KA MATALO SA PAGNENEGOSYO (UMPISA MAN O UMAARANGKADA KA NA!)

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Nawa’y ok na ok naman kayo sa mga panahong ito.  Sa bilang ko, halos magtatatlong taon na pala akong sumusulat ng pitak na ito dito sa PILIPINO Mirror, mula nang ito ay ipihit para sa mga Pinoy entrepreneur. Natutuwa ako kasi kahit paano ay nakakatulong ako sa mga SME at MSME. Mahirap magnegosyo, period. Gaano man kalaki o kaliit ito, pareho lang ang hirap na iyong mararanasan. Kaya naman sa araw na ito ay aking ibabahagi ang ilang paalala upang ‘di ka matalo sa iyong itinayo o itinatayong negosyo. Tara at matuto!

#1 Alaming mabuti ang merkado

Maraming nagnenegosyo ay nakadepende lang sa lokasyon at kalidad ng kanilang produkto o serbisyo. Ang pagiging masinsin sa pag-target ng mamimili nila ang ‘di nila masyadong pinapansin. Sa totoo lang, dito lahat nag-uumpisa kung tama at mali o may igaganda pa ang mga istratehiyang ginagawa mo. Magsalisik ka sa merkado mo. Sino ba ang mga tipong malakas bumili sa iyo? Kung maaari kang makipagkuwentuhan sa kanila, mas maigi. Alamin mo kung sino talaga sila, at bakit nila ikaw piniling bilhan. ‘Yan ang umpisa ng kaalaman mo.

#2 Suriing mabuti ang kalidad ng produkto o serbisyo

Sa pagnenegosyo, maging seryoso sa pagsasaliksik sa lahat ng bagay ukol sa ibinebenta mo. Kasi kung makikilala mo nang husto ang mamimili mo, dapat mas paigtingin pa ang kaalaman sa ibinebenta mo, ‘di ba? Parackung mayroon pang ikagaganda nito, gagawin mo ayon sa kagustuhan ng mga kostumer mo. Dapat, isang daang porsiyento ang kalidad ng mga ito upang pumasa at balik-balikan ng mamimili.

#3 Balikan ang mga plano

Napakahalagang balik-balikan ang mga planong naisulat mo. ‘Di kasi lahat ng plano ay dapat nakasulat sa bato, wika nga. Dapat, lapis lang ang ginamit upang madaling magbura kung kailangan. Ang mga plano, dapat suriing muli kung nasa panahon pa ba? Tandaan mo na kung nagbabago ang panahon, gayundin ang mga mamimili at ang mga istratehiyang kalakip nito. Huwag kang mangamba kung kailangang may baguhin sa business plan. Ang mahalaga, handa kang baguhin anumang oras.

#4 Paigtingin ang serbisyo sa kostumer

Anumang negosyo, lahat ay nakasalalay sa pag-aalaga ng mamimili. Kung ‘di na sila babalik sa iyo, sayang ang lahat ng pagod. Kung iisipin mong maigi, binabalikan mo ang isang tindahan ‘di lang dahil sa mura at kalidad na produkto o serbisyo, kundi sa kalidad ng pag-aalaga nila sa iyo. Sa isang simpleng negosyo ng barberya o salon, malalaman mo na ang ibig kong sabihin, ‘di ba? Kung may na-establisang relasyon sa taga-gupit mo, halimbawa, siya ang tunay mong binabalikan dito, at patuloy na hinahanap. Tiwala ka kasi at komportable. ‘Yan ang tunay na halaga ng customer service o serbisyo sa kostumer. Sa dulo, tutukan mo iyang parte ng negosyo mo at ‘di lang ang pagbebenta.

#5 Gumamit ng naaayon na teknolohiya

Maraming pagbabago ang nagaganap araw- araw sa larangan ng pagnenegosyo. Halos lahat na lang ng aspeto ng operasyon ng pagnenegosyo ay may katapat na digital o teknolohiya, na hangad ang mas epsiyenteng paggalaw ng negosyo. Mula ‘yan sa pag-set up hanggang sa pagbebenta online, nandoon na ang iba’t ibang uri ng apps at plataporma. Huwag matakot sa teknolohiya. Kaibigan mo ‘yan, ka-negosyo. Magsaliksik ng  babagay sa negosyo mo at sa kakayahan. Marami naman diyan ay may 30-day Money Back Guarantee, kundi sila libre, ‘di ba? Sa ikauunlad ng negosyo, may kaagapay na teknolohiyang mas magpapabilis ng mga proseso at mas makatitipid sa tao at pera.

#6 Sumabak sa Digital Marketing

Ito ay paulit-ulit kong ipapaalala sa inyo dahil kaakibat ito ng teknolohiya. Marami na namang magagamit at sigurado akong ginagamit mo na rin ang iba. Gaya ng pagbebent sa social media, Lazada, Shopee at iba pa na kabilang sa digital marketing. Ang payo ko ay ang pag-establisa ng sarili mong website, gawin itong magaan upang kita nang maayos sa mobile, at gumamit ng SEO para mas madaling ma-search ito. Mas maigi na ring may kasamang ecommerce kung saan doon na sila mismo bibili o magbabayad. Sa dulo, ang website ay siya lamang masasabing tunay mong pag-aari sa Internet o mundo ng digital.

#7 Pag-aaralang mabuti ang ukol sa pinansiyal na aspeto

Kung maayos man o hindi ang pagtakbo ng iyong benta, mas dapat mong silipin at alamin ang lahat ukol sa aspetong pinansiyal ng negosyo mo.Aralin mo ang mga ukol sa accounting at ang simpleng profit-and-loss kung saan mo makikita ang tunay na takbo ng pagnenegosyo. “Di ko ito palalawigin dahil malamang, alam mo na ang halaga nito. Gawin mo na lang, ok?

#8 Pahalagahan ang mga tauhan

Ito rin ay isa sa mga paulit-ulit kong ipapaalala sa inyo dahil ang pinakamahalaga sa pagnenegosyo ay ang mga tauhan mo mismo. Kung pahahalagahan mo ang iyong mga tauhan sa lahat ng aspeto ng kanilang karir at gawain, susuklian  nila ito nang walang katumbas na tapat na serbisyo.

#9 Magtiwala sa sarili at maging positibo

Ang pinakamatinding kalaban mo sa negosyo ay ‘di ang ibang tao o kompanya – kundi ang sarili mo mismo! Tandaan mo na maraming pagsubok ang iyong pagdaraanan ngunit kung patuloy ang tiwala mo sa iyong kakayahan at laging positibo ang iyong pananaw, walang tatalo sa iyo.

#10 Magkaroon ng tiwala sa Diyos

Ang lahat ng bagay sa mundo at sa iyong negosyo ay grasyang galing sa Diyos. Kahit na ang talent at mga oportunidad na dumarating ay kaloob sa atin ng Panginoon. Kaya naman sa aspetong ito ng pagnenegosyo, huwag kalilimutang magdasal at magpasalamat sa Diyos. Sa huli, ang Diyos ang ating sandigan.

Konklusyon

Lahat tayo ay dadaan sa iba’t ibang pagsubok sa buhay at negosyo. Laging tandaan na dapat bukas tayo sa pagbabago at handang mag-pivot kung kinakailangan.  Sa lahat ng bagay, kailangang maging masinop, matatag at magkaroon ng tiwala sa ating mga dasal.



Si Homer Nievera ay makokontak sa [email protected]

3 thoughts on “10 PAALALA PARA ‘DI KA MATALO SA PAGNENEGOSYO (UMPISA MAN O UMAARANGKADA KA NA!)”

  1. 674283 19953There is numerous separate years Los angeles Weight reduction eating strategy with each a person is a necessity. The pioneer part can be your original finding rid of belonging towards the extra pounds. la weight loss 941747

Comments are closed.