HALOS nasa sampung paaralan ang napinsala ng dalawang pagyanig sa Itbayat, Batanes noong Sabado.
Ayon sa Department of Education (DepEd), batay sa report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), hanggang araw ng Martes, Hulyo 30, 10 paaralan at 29 school personnels at estudyante ang naapektuhan ng pagyanig.
Siyam na estudyante naman ang nasaktan sa Itbayat Central School; isang Gabaldon building at isang impraestruktura ang lubhang nasira.
Sa Mayan Elementary School, apat katao kabilang ang dalawang estudyante ang nasaktan; isang building ang ‘totally’ damaged at dalawa pa ang lubhang napinsala.
Sa Yawran Barrio School, isang estudyante ang nasaktan.
Isang personnel naman sa Raele Integrated School ang nasaktan, samantalang isa sa mga silid-aralan ang hindi na ligtas pang gamitin.
Nagtamo naman ng cracks o lamat ang Gabaldon buildings ng Ivana Elementary School, Chanarian Elementary School, Batanes National Science High School, Basco Central School, at Uyugan Elementary School.
Pahayag ng DepEd na patuloy ang kanilang monitoring sa mga division at paaralan sa mga apektadong lugar para sa pinsala sa impraestruktura at casualties.
Pinabibilis na rin ng kagawaran ang mga hakbang para maisaayos ang mga paaralan at makapagbigay ng kaukulang tulong sa pamilya ng mga nasawi at nasaktang mag-aaral at school personnel. PILIPINO Mirror Reportorial Team