10 PINOY NA NAHULI SA INDONESIA PINAUWI 

Indonesia

GENERAL SANTOS CITY – SAMPUNG Filipino fishermen na nahuling ilegal na na­ngingisda sa Indonesian waters ang pinauwi makaraang isagawa roon ang second leg ng Philippine-Indonesian Coordinated patrol ng pinagsanib na AFP- Eastern Mindanao Command  at Indonesian soldiers.

Karamihan ng  mga pinauwing Pinoy ay mula sa General Santos City.

Nabatid na walang kaukulang dokumento ang mga mangingisda nang pumasok sa teritoryo ng Indonesia.

Pinayagang makauwi sa Filipinas ang sampung Pinoy sa tulong ng Department of Foreign Affairs at ng Philippine Liaison sa Manado, Indonesia.

Sinalubong naman ni Lieutenant General Felimon Santos Jr., commander ng AFP- Eastern Mindanao Command, at Foreign Affairs Assistant Secretary for Mindanao Uriel Norman Garibay  ang mga pinauwing Pinoy. Nagkaroon naman ng  arrival ceremony kasunod ng pagdaong ng BRP Emilio Jacinto sa katubigan ng Indonesia.

Ipapaubaya ng militar ang sampung Pinoy sa Department of Social Welfare and Development para sa mga ayudang ibibigay sa kanila.

Ang ikalawang yugto ng Philippine-Indonesian Coordinated Patrol ay isinagawa noong Hulyo 17 hanggang 23 para sa pagpapatuloy ng magandang relasyon ng dalawang bansa na naglalayong matiyak ang seguridad sa mga boarder nito at maiwasan ang maritime and sea crimes gaya ng  smuggling at piracy. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.