NAKATAKAS ang sampung preso na may kinasasangkutang iba’t-ibang kaso at tinaguriang mga persons under police custody (PUPC) sa detention facility ng Malibay Police Sub-Station 6 sa Pasay City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Pasay police chief Col. Froilan Uy ang mga nakatakas na sina Richard Dela Cruz, Carlo Magno Benavidez y Legaspi, Christian Salvatierra y Samson, Norman Deyta y Punzalan, Joey Hernandez y Gabriel, Eden Garcia y Rodriguez, at Joseph Osorio y Canama na pawang nahaharap sa illegal na droga o kasong paglabag sa RA 9165; Tirzo Galit y Navarro at Joshua Panganiban na may mga kasong robbery; at John Michael Cabe y Medellin (Carnapping).
Dahil sa pagtakas ng mga preso, sinabak na rin ni Uy sa puwesto sina Malibay police Sub-Station 6 (SS6) commander Maj. Jerry Sunga at ang kanyang deputy na si Capt. Memerto Gorne pati na rin ang pulis na nakaduty na si Staff Sergeant (SSg) Ariston Arid.
Base sa report na isinumite ni Uy sa Southern Police District (SPD), nangyari ang pagtakas ng mga suspek dakong alas-4:30 ng madaling araw sa Malibay Police Sub-Station 6, Barangay 152, Pasay City.
Sa imbestigasyon ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) ng Pasay City police, nagawang tumakas ng 10 sa 37 preso sa pamamagitan ng pagputol ng bakal na rehas gamit ang lagareng bakal.
Napag-alaman din sa report ng pulisya na nauna munang nakatakas ang tatlo sa mga hindi napangalanang preso kung saan pinagtulungang bugbugin si Arid bago kinuha ang baril, pera at iba’t-ibang susi ng piitan.
Matapos makuha ng tatlong pugante ang susi ng kulungan ay sumunod na ring lumabas ang pito pang preso kung saan sabay-sabay silang tumakas. MARIVIC FERNANDEZ
MANHUNT SA LOOB
NG 48-ORAS- NCRPO
NAKAANTABAY at nakaalarma ang buong NCRPO sa naganap na pagtakas ng 10 bilanggo o Persons Under Police Custody mula sa Malibay Detention Facility ng Sub Station 6, Pasay City Police Station kahapon ng madaling araw.
Inatasan ni National Capital Region Police office (NCRPO) Director MGen Edgar Alan Okubo si BGen Kirby Kraft, District Director ng Southern Police District at si Col. Froilan Uy, Chief of Police ng Pasay City upang magsagawa ng manhunt operations gamit ang mga Tracker Teams para muling madakip ang mga nakatakas at tiyakin na maresolba agad ang insidenteng ito sa loob ng 48 oras.
Ipinag-utos din ni Okubo na pansamantalang tanggalin sa puwesto si MajJerry Sunga, Commander ng Malibay Sub Station 6 at ang nakatalagang jailer, upang magbigay daan sa gaganaping imbestigasyon.
Kaugnay nito, inatasan rin ni Okubo si Col Ronald Laoyan, Acting Director ng Regional Internal Affairs, NCR upang magsagawa ng motu propio investigation hinggil sa pangyayaring ito. EVELYN GARCIA
5 NAKATAKAS
NASAKOTE
MAKARAAN ang ilang oras nang pagtakas, nadakip ang limang pugante sa pagsasagawa ng follow-up operation ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Pasay City police at ng Southern Police District (SPD).
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Froilan Uy ang mga presong naaresto na sina Joey Hernandez y Gabriel, 29-anyos, at Eden Garcia y Rodriguez, 18,-anyos na kapwa may nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165; Joshua Panganiban, 25-anyos at Tirzo Galit, 31-anyos na pareho namang sangkot sa kasong robbery.
Sinabi ni Uy na sina Hernandez at Garcia ay inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police dakong alas- 11:30 ng tanghali sa V. Noble St., Barangay 59, Pasay City.
Si Panganiban naman ay nalambat ng pinagsanib na pwersa ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD at ng mga tauhan ng Sub-Station 6 ng Pasay City police dakong alas 2:14 ng hapon sa Arenda, Barangay Santa Ana, Taytay, Rizal habang si Galit naman ay nasakote dakong alas 2:45 ng hapon sa Veterans Site, Taguig City ng ng miyembro ng Tactical Motorcycle Response Unit (TMRU) ng Pasay police at District Mobile Force Brigade (DMFB) ng SPD.
At ang panglimang nadakip ay si Christian Salvatierra y Samson, 40-anyos, residente ng 353 Tramo Riverside, Brgy. 156, Pasay City dakong alas-4:45 ng hapon sa Mabolo St., Brgy. Parian, Calamba City, Laguna.
Ang mga nadakip ay nahaharap sa panibagong kasong evasion of service of sentence. MARIVIC FERNANDEZ