(10 pulis na lang ang nagpapagaling) PNP WALANG BAGONG KASO NG COVID-19

WALANG bagong kasong naidagdag sa COVID-19 cases sa Philippine National Police (PNP).

Ito ang iniulat kahapon ng PNP-Health Service habang wala ring bagong recoveries.

Gayunpaman, may sampu pang pulis na nagpapagaling sa iba’t ibang pasilidad ng PNP sa buong bansa habang mahigit isang buwan nang walang naitatalang nasawi sa nasabing sakit.

Hanggang kahapon ay nasa 128 ang iginupo ng COVID-19 sa police force na ang una ay noong Abril 2020 at ang huli ay nitong Pebrero.

Sa kabuuan, mayroon nang 48,831 kaso ng COVID-19 sa PNP habang ang nakarekober ay nasa 48,693.

Nasa 221,101 naman ang fully vaccinated kontra coronavirus disease; 1,956 pa ang naghihintay ng ikalawang dose; 638 pulis pa ang hindi nababakunahan dahil may medical condition at sariling paniniwala sa bakuna.

Nasa 136,677 o sobra na sa kalahati ng populasyon ng PNP ang tumanggap na ng booster shot.
EUNICE CELARIO