10 SASAKYAN INARARO NG TRAK: 1 DEDO, 9 SUGATAN

CAVITE – ISA ang namatay habang 9 naman ang nasugatan makaraang araruhin ng aluminum van ang 10 sasakyan sa kahabaan ng Emilio Aguinaldo Highway sa Brgy. San Agustin 2, Dasmarinas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga sugatang naisugod sa Pagamutan ng Dasmarinas ay sina Jomar Abad y Geralo, 28-anyos; Butz Del Carmen y Arboleda, 34-anyos; Jose Daryl Sobretodo y Pahilla, 34-anyos; Rodelle Terrence Mejia y Manguba, 23-anyos; Emmanuel Santos y Manuel, 46-anyos; Ritzand Neil Recto y Rodelas, 38- anyos; Jeffrey Jardin y Concepcion, 42-anyos; Renario Pagalan y Gudez, 54-anyos; at si Edwin Cabong y Babuina, 52-anyos.

Habang namatay naman sa pinangyarihan ng sakuna ang biktimang si Jonel Dacles y Dariangan, 37- anyos.

Sa inisyal na police report, lumilitaw na minamaneho ni Gerald Corimo y Dalonoy ang aluminum van trak na may plakang DAT 9634 nang mawalan ng preno pagsapit sa Dano intersection kaya inararo at sinuyod nito ang mga sasakyan kabilang na ang ilang motorsiklo.

Naipit sa kanyang minamanehong motorsiklo ang nasawing biktima na si Jonel habang ang iba pang biktima ay nagtamo ng mga sugat sa katawan kung saan ang kani-kanilang sasakyan tulad ng Hyundai Accent, Toyota Innova, Susuki Swift, Isuzu Jitney, Toyota Avanza at ilang motorsiklo ay nawasak.

Nahaharap naman sa patung-patong na kasong kriminal ang driver ng van na si Gerald na kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal sa police detention facility habang ang may -ari naman ng trak ay sinasabing nahaharap sa milyong halaga ng ari-arian na kanyang babayaran dahil sa nawasak na mga sasakyan. MARIO BASCO