SULU – KINUKUMPIRMA pa ng AFP Joint Task Force Sulu ang ulat na nasa sampung miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi sa kanilang aerial bombardment sa Barangay Kabuntakas, Patikul.
Ayon kay Philippine Army Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, commander ng Joint Task Force Sulu, sinusuyod ang kabundukan at lubhang nahihirapan ang kanyang mga tauhan dahil sa lawak at sukal ng area kasunod ng ulat na nagpupulong ang mga bandido simula pa noong Biyernes.
Nabatid na base sa human intel report at impormasyong nakakalap mula sa mga civilian asset ay nasa siyam hanggang sampu na ang napaslang ng militar nang simulan ang air at ground strikes.
“May mga report pero hindi pa ma-confirm dahil report lang e, wala pang body count talagang nakuha e, may mga natamaan pero nadala, nabitbit nila, hindi namin ma-pinpoint pa e, maraming nagsabi may sampu, may siyam, wala pang confirmation,” ayon kay Pabayo.
Aniya, hindi kaagad makadikit ang tropa dahil sa madawag ang lugar at ilang bundok ang kailangan daanan ng tropa na sadyang nag-iingat dahil sa ulat na nasa 200 ASG ang nagtitipon tipon bago sinagawa ang pag atake.
Sinasabing nagsama ang puwersa nina Radulan Sahiron at Hajan Sawadjaan na pinaniniwalaang naghahanda para sa isang malaking pananalakay o pananabotahe sa inuumpisahang Bangsamoro Transition Government. VERLIN RUIZ
Comments are closed.