SA pagbungad ng huling sangkapat (quarter) ng taon, marahil ay maraming negosyante ang nasa panahon ng repleksiyon kung paano pa niya palalakasin ang kanyang benta. O marahil, ang mga nagnanais magnegosyo sa susunod na taon nama’y naghahanap ng tips upang maging matagumpay sila.
Sa mga susunod na Lunes, ibabahagi ko ang mga tagumpay-tips ng mga kilalang tao sa buong mundo. Marahil, makatutulong ito sa perspektibo ng isang startup na negosyo o sa mga nasa kalagitnaan na ng pagnenegosyo.
Simulan natin kay Donald Trump, na nakilala bilang matagumpay na negosyante bago pa maging presidente ng USA.
#1 ‘Wag gawin ang bagay-bagay para lang sa pera
Noong nagsisimula si Donald Trump sa kanyang mga negosyo, ‘di kaila sa iba na ang ama niya rin ay negosyante. Kaya naman sa totoo lang, ‘di na kailangan pang bumuhos sa pagnenegosyo si Trump, ‘di ba? Ngunit ang tawag ng pagnenegosyo niya ay dahil na rin kailangang ipagpatuloy niya ang legasiya ng kanyang ama. ‘Yun nga lang, nahigitan pa niya ito. Kaya ang paghangad sa pagpapatuloy ng legasiya ng kanyang ama ay nagresulta sa pagkakaroon ng mas marami pang pera dahil sa kanyang pokus.
#2 ‘Wag na ‘wag kang bibitaw
Sa dami ng napagdaanang pagkabigo ni Trump, bumangon pa rin siya. Itong ganitong saloobin ang naging susi ni Trump para malagpasan ang lahat ng hadlang at nagtagumpay. Alam niya kasing dapat lang niya itong pagdaanan.
#3 ‘Wag kaligtaan ang mga detalye
Paniniwala ni Trump na ang buhay – at pagnenegosyo — ay nangangailangan ng pagtalima sa mga detalye. Para sa kanya, ang pag-iwas sa pagsilip sa mga detalye ay maaaring maging multo mo sa mga darating na panahon.
#4 Laging tumutok sa mahahalagang trabaho
Noong kalagitnaan ng 1990s bumagsak ang merkado ng real estate sa Amerika. Kilala si Trump sa larangan ng negosyo rito gaya ng Trump Towers at iba pa. Isang gabi, nais ni Trump na makapanood ng isang palabas sa Broadway (New York). Noong gabi ring iyon, may isang malaking kontrata na kinaharap si Trump at ibinilin sa ilang tao niya para tapusin ito, sa halip na siya na mismo ang tumutok. ‘Di nila nagawa ang trabaho. Kinabukasan, bumagsak ang merkado at nalugi siya.
#5 Kumuha ng magagaling na empleyado
Ayon kay Trump, madaling magpaalis ng mga ‘di nagpe-perform na empleyado. Pero mahirap maghanap at magpanatili ng magagaling na empleyado. Kaya naman, kapag nakakita ka ng magagaling na empleyado, siguraduhing maaalagaan mo sila at maiaangat sa susunod pang mataas na antas.
#6 Magtrabaho nang husto
Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Alam naman na natin na ang taong tamad ay walang maayos na kinabukasan. Kaya ‘wag maghintay ng bukas kung nasa harapan na ang trabaho. Sabi ni Trump, may kilala siyang nagsabi sa kanya na “The harder I work, the luckier I get.”
Tama nga naman. Magsipag at ikaw ay mabibiyayaan.
#7 Sundin ang iyong pakiramdam o sinasabi ng iyong puso
Sabi ni Trump, ‘di laging utak mo ang gagamitin mo sa pagnenegosyo. Kung minsan, gamitin mo rin ang iyong pakiramdam (o instinct). Madalas kasi na sinsabi ng magulang o mga kaibigan mo na ‘wag gawin ang isang bagay, pero sa ‘yo, tila tama nga ito. Sa ganang akin, ipagdasal mo ito. At ‘yun marahil ang tinatawag na tamang pakiramdam.
#8 Magtiwala sa sarili
Ang kalaban mo lagi ay ang iyong sarili. Madalas, ang mismong dahilan ng pagkabigo ay ang ‘di mo pagtitiwala sa mga nararamdaman mo at sa mga dapat mong naging desisyon. Sabi ni Trump, sa huli, ikaw lang naman ang magdurusa kung ‘di mo pinaniwalaan ang iyong sarili. May kinalaman din ito sa pagpokus sa trabaho at sa pagnenegosyo na nangangailangan ng lubos na tiwala sa iyong kakayahan.
#9 Maging abala
Ayon kay Trump, ang maraming kalat sa mesa ay indikasyon na ang tao’y maraming pinagkaka-abalahan. Kapag abala ka nga naman, wala kang panahong gumawa ng kalokohan. Kung ‘di masyadong abala, mag-aral o magsaliksik ka man lang. Simple!
#10 Mahalin ang ginagawa mo
Isipin mong ginagawa mo ang isang bagay na asar na asar kang gawin ito. Ano’ng pakiramdam mo? Magagawa mo kaya ito nang tama?
Ayon kay Trump, kapag mahal mong gawin ang isang bagay, lalago ito. ‘Yan ang isang negosyong dapat mong gawin, iyong nagpapasaya sa ‘yo lagi na tila “di ka nagtatrabaho, ‘di ba?
Masaya akong magsulat at maglathala ng mga makatutulong sa maraming tao. ‘Yan ngayon ang negosyo ko. Mahigit 30 ang aking inilalathalang blogs (o websites) na binabasa ng mahigit na 5M tao sa buong mundo.
Ka-negosyo, ‘wag mong kalimutang pasalamatan ang Diyos sa lahat ng biyayang natatanggap. Lahat ‘yan, kahit tila pagkabigo ay blessings.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyangmakontak sa email niya na [email protected].
Comments are closed.