10 VIETNAMESE NA NALAMBAT SA CAGAYAN PALALAYAIN NA

BFAR

PALALAYAIN na ang 10 mangingisdang Viet­namese na naaresto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Calayan Group of Islands sa Cagayan.

Sa pahayag ni Max Prudencio, Information Officer ng BFAR-Region 2, na nagbayad ang mga mangingisdang Viet­namese ng P650,000 bilang administrative penalty sa kasong poaching.

Isasalin na rin sa kustodiya ng BFAR ang dalawang Vietnamese fishing vessel na nagkakahalaga ng halos P8 milyon.

Batay sa pag-aaral ng Adjudication Committee ng BFAR, panalo ang pamahalaan sa ibinayad ng mga Vietnamese na pera at dalawang fishing vessel sa kanilang paglabag sa Republic Act 10654 o The Philippine Fisheries Code of 1998.

Ayon kay Prudencio, matapos na mahuli ang mga Vietnamese ay nag-alok sila ng multa bilang pag-amin sa kanilang ilegal na ginawa.

Unang namataan ang mga Vietnamese na ilegal na nangingisda habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) noong madaling araw ng Hunyo 1, 2019 sa Dalupiri Island sa Calayan Group of Islands. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM