10 WUSHU PLAYERS TODO PAGSASANAY PARA SA SEAG

Wushu

UMALIS noong Linggo patungong Fujan, China ang wushu taolu team na binubuo ng 10 players, kabilang ang tatlong Cordillerans, para simulan ang kanilang limang buwang pagsasanay para sa South East Asian Games (SEAG) na gaganapin sa Filipinas sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

“We are at the airport already,” wika ni Daniel Parantac sa pamamagitan ng Facebook Messenger noong Linggo bago sumakay eroplano.

Kasama ni Parantac na umalis ang siyam na iba pang taolu players, lima sa kanila ay juniors, at sina kapwa  Cordillerans Thornton Lou Sayan at Jones Inso.

Ang 10 taolu players na kinabibilangan din ni Agatha Wong ay sasailalim sa limang buwang pagsasanay sa ilalim ni Chinese master Li Qiang para mahasa sila sa form side ng  Chinese martial arts.

Si Parantac ay 2013 at 2015 SEA Games gold winner, at nanalo ng silver sa taijiquan event ng 2014 Asian Games sa Incheon, South Korea.