ITINUTULAK ni Senador Sonny Angara ang pagtataas sa social pension na ipinagkakaloob sa mga senior citizen ng 100 porsiyento.
Sa Senate Bill 133 na mag-aamyenda sa Expanded Senior Citizen’s Act of 2010, ipinanukala ni Angara na gawing P1,000 kada buwan o P12,000 sa isang taon ang social pension na ibibigay sa mga senior citizen mula sa kasalukuyang P500 kada buwan o P6,000 sa isang taon.
Tinukoy ang isang pag-aaral ng Coalition of Services of the Elderly, sinabi ni Angara na mahigit sa kalahati ng senior citizens sa bansa ang hindi nakatatanggap ng anumang pension, isang katotohanan na nakalulungkot, subalit maaaring gawan ng paraan.
“They took care of us when we were young, made several sacrifices to provide for our needs and when they reach their twilight years, many are left to fend for themselves,” ani Angara.
“Retired na sila, kung may kaunti man sila na naipon, kulang pa ito sa pang-araw-araw na gastusin nila. At hindi pa kasama rito ang check-up sa doktor at mga gamot na kailangang bilhin,” dagdag pa niya.
Pinalalawak din ng panukalang batas ang saklaw at isinama ang mga senior citizen na walang natatanggap na anumang uri ng pension.
“A review of the social pension system will be done every two years after the effectivity of the law with the intent of raising the monthly stipend as necessary,” ani Angara.
“We have to take into account factors such as inflation in reviewing the social pension of our senior citizens,” dagdag pa ng senador.
Si Angara, na ang ama na si dating Senate President Edgardo Angara ay may akda ng Senior Citizen’s Act of 1992 o ang Angara Law, ay isa sa mga author ng Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizen’s Act of 2010. PNA
Comments are closed.