100% INCREASE SA DAILY SUBSISTENCE ALLOWANCE NG MGA SUNDALO-ROMUALDEZ

Isusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigit 100 porsyentong pagtaas sa daily subsistence allowance ng mga sundalo, simula sa susunod na taon.

Ito ang pagtiyak na ginawa ni Speaker Romualdez nang dumalo sa idinaos na House of Representatives-AFP Southern Luzon Command fellowship sa Camp Nakar sa Lucena City na dinaluhan ng mga lider ng Mababang Kapulungan kasama sina Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, at Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, mga lokal na opisyal gaya nina Vice Gov. Anacleto Alcala III, SOLCOM chief Lt. Gen. Facundo Palafox IV, at iba pang opisyal ng militar.

“Next year, expect to receive a higher daily subsistence allowance from your government. Mula P150 per day, dodoblehin natin ang daily subsistence allowance ninyo. Ang target natin, maitaas natin ito hanggang P350 per day,” ayon kay Speaker Romualdez.

Alinsunod na rin ng direktiba ni Pangulong Marcos, sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagtataas sa subsistence allowance ay mangangailangan ng P15 bilyong pondo na tiniyak ng lider ng Kamara na isasama sa panukalang 2025 national budget.

“Aabutin ng halos P15 bilyon ang kailangan para maibigay ang allowance na ito para sa lahat ng ating sundalo at miyembro ng Armed Forces. Pero bilang inyong Speaker, sisiguruhin ko na mailalagay ang pondong ito sa 2025 National Budget na tinatalakay namin ngayon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos,” sabi pa nito.

Sinabi ni Speaker Romualdez na batış nito at ng iba pang lider ng Kamara ang sakripisyo ng mga sundalo at kanilang pamilya.

Suportado rin umano ng Kamara ang AFP Modernization Program at ang pagpapa-unlad ng kabuuang defense posture ng bansa.

Kasabay nito ay nangako rin si Speaker Romualdez na lalagyan ng pondo ang mga lugar na naideklara ng communist insurgency-free.

“We in the House of Representatives are fully committed to supporting the peace-building efforts in recently cleared areas. To consolidate these gains, I will advocate for more infrastructure and barangay development projects, which are crucial for long-term stability,” saad pa nito.

Hinamon ni Speaker Romualdez ang mga lokal na opisyal, mula sa gubernador hanggang sa kapitan ng barangay, na tumulong upang mapanatili ang kapayapaan at hindi bumalik ang rebelyon sa kanilang lugar.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang operational achievement ng SOLCOM sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant General Palafox.

“Your success in neutralizing communist terrorists, dismantling guerrilla fronts, and capturing firearms from the enemy is a testament to your dedication and bravery. The surrender of NPA regulars, along with hundreds of supporters withdrawing from the CPP, shows that peace is achievable with perseverance and strategic coordination,” sabi pa nito.

Sinabi nito na ang SOLCOM ay hindi lamang sangkot sa paglaban sa paghihimagsik kundi maging sa pagpapatrolya sa mahigit 15,000 nautical mile at pagbabantay sa libu-libong sasakyang pandagat na pumapsok sa hurisdiksyon ng bansa.

Nangako si Speaker Romualdez sa SOLCOM na maghahanap ito ng dagdag na pondo upang matapos ang kanilang ipinatatayong imprastraktura gaya ng administrative building at iba pang support facilities.