INAASAHAN na ng Department of Health (DOH) ang pagdami ng bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ay kasunod na rin ng naranasang ilang araw na pag-ulan at malawakang pagbaha sa ilang lugar sa bansa kamakailan, partikular na sa Metro Manila.
Ipinaliwanag ni Duque na may pitong araw na incubation period bago lumitaw ang mga sintomas ng sakit na nakukuha sa ihi ng daga, kaya’t posi-bleng mai-report lamang ang mga bagong kaso nito hanggang sa susunod na linggo.
Batay sa datos ng DOH, sa National Capital Region (NCR) pa lamang ay nasa 1,121 kaso na ng leptospirosis ang naitala mula Enero 1 hanggang Hulyo 28.
Sa nasabing bilang, 100 ang kumpirmadong nasawi dahil sa sakit.
Tiyak namang madaragdagan pa ang naturang bilang dahil sa maraming tao ang napilitang lumusong sa baha nang manalasa ang habagat sa Metro Manila noong nakalipas na weekend.
“There will be spikes that is for sure,” ayon pa kay Duque.
Ikinalulungkot naman ni Duque na maraming buhay ang nasayang dahil sa naturang sakit na maaari naman sana aniyang naiwasan kung naagapan lamang.
“It is very unfortunate because this is preventable and it is very easy to manage it basta pumunta lang sila sa mga pagamutan dahil meron tayong li-breng doxycyline,” anang kalihim.
Nanawagan si Duque sa mga mamamayan lalo na sa NCR na hanggang maiiwasan ay huwag lumusong sa baha, lalo na kung may sugat sila sa paa.
Kung hindi naman maiwasan ay mas makabubuting magsuot ng protective gears tulad ng bota.
At kung lumusong naman sa baha ay maaaring uminom na kaagad ng doxycycline na resetado ng doktor mula sa health centers at mga pagamutan.
“Ang panawagan natin sa mga kababayan natin lalo na sa Kamaynilaan ay dapat ‘wag lulusong sa baha. Kung hindi maiiwasan, kayo po ay uminom ng doxycyline. Sa pinakamalapit na pagamutan na resetado ng doktor doon sa mga city health center. Sa NCR, kompleto po tayo ng mga doktor doon at gamot at ang pangunahing supply ay manggagaling sa LGU at kung may kakulangan, pinupuno ‘yung puwang ng DOH,” aniya pa.
Kung makitaan naman ng sintomas ng sakit ay hindi na rin dapat pang mag-atubili at kaagad na kumonsulta sa mga doktor. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.