SA kalye sasalubungin ng aabot sa 100 pamilya ang Bagong Taon nang masunog ang kanilang tahanan sa Brgy. Culiat, Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-9:00 ng gabi (December 29) nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Purok 2, Luzon Avenue, Brgy. Culiat, sa kasagsagan ng pag-ambon sa lugar.
Sinasabing isang live wire mula sa isang 2-storey house sa lugar na pagma-may-ari at inookupahan ng pamilya ni Josielyn Batindaan ang pinagmulan ng apoy.
Nilamon ng apoy ang tinatayang may 50 tahanan sa lugar, bago ito tuluyang naideklarang under control dakong alas-9:57 ng gabi.
Umabot pa ng ikalimang alarma ang sunog bago naman tuluyang naapula ng alas-10:05 ng gabi.
Sa pagtaya ng BFP, aabot sa humigit kumulang sa P75,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasugatan sa sunog ngunit umaapela ng tulong sa lokal na pamahalaan ang mga residenteng naapektuhan nito lalo na yaong wala pang matutuluyang mga kaanak at walang kahit anong naisalbang gamit o ari-arian. EVELYN GARCIA
Comments are closed.