SINISIMULAN na rin ng Department of Health (DOH) ang pagsasagawa ng clinical trial sa Avigan upang matukoy kung gaano ito kaepektibo sa pagpapagaling ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nabatid na P18 milyon ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa isinasagawang clinical trial sa naturang Japanese anti-flu drug, na isasagawa sa tatlong medical facilities.
Ang Avigan, na may generic name na Favipiravir at produkto ng Fujifilm Holdings Corp. ng Japan, ay gagamitin sa may 80 hanggang 100 pasyente na papayag na lumahok sa naturang clinical trial.
Una nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dumating na sa Fi-lipinas ang may 199,000 tableta ng Avigan mula sa Japan.
Isinasailalim na rin ng bansa sa clinical trial ang remdesivir, na gamit naman sa paggamot sa Ebola virus, gayundin ang interferon, na isa namang anti-viral agent.
Ang Filipinas ay matatandaang lumahok sa ‘solidarity trials’ na isinasagawa ng iba’t ibang bansa upang mapabilis pa ang pagtuklas ng gamot laban sa COVID-19.
Nakipagtransaksiyon na rin naman ang DOH sa apat pang manufacturer para naman sa pagbili ng bakuna laban sa virus, sa sandaling maging available na ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.